ITO ang pagtiyak kahapon ni Defense Secretary Gilberto Gibo Teodoro sa ika-walong taon ng pagwawagi ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration (PCA) para sa kapakanan ng sambayanang Filipino at ng susunod pang mga henerasyon.
Sa ika-8 anibersaryo ng 2016 arbitral award na iginawad ng Permanent Court of Arbitration pabor sa Pilipinas laban sa China, inihayag ni National Defense Secretary Gilberto Teodoro na patuloy ang kanilang pagsisikap para maprotektahan ang teritoryo at soberanya ng Pilipinas.
“Philippines to ‘stand our ground’ in South China Sea dispute,” pahayag ng kalihim para matiyak na Pilipinas ang makikinabang sa likas na yaman mula rito at hindi ang ibang bansa sa ilalim ng umiiral na international law.
“Kaya po, ito po ay hindi biro-biro, hindi po ito salita lamang. Ginagawa po namin araw-araw – pinagsisikapan po namin na mapangalagaan ang teritoryo at sovereign rights ng ating bansa upang makinabang ang Republika ng Pilipinas, at hindi anomang bansa, sa likas na yaman na itinatag (itinakda) ng International Law sa ilalim ng recognized na batas na kinikilala ng maraming bansa, hindi po tulad ng naratibo ng ibang mga bansa na sila lang po ang naniniwala,” mensahe ng kalihim.
“Sa ikawalong anibersaryo po ng 2016 Arbitral Award, kung saan po nagwagi ang ating bansa laban po sa Tsina, kung saan pinagtibay ng Permanent Court of Arbitration ang ating mga karapatan, lalung-lalo na po sa ating Exclusive Economic Zone… na ito po ay likas na yaman na para sa Pilipinas at para sa Pilipino lamang. Ito pong award po na ito ay isinasapuso po ng bawat miyembro ng ating Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, lalung-lalo na ang ating mga kawal na nasa LS57, BRP Sierra Madre,” sabi pa ng kalihim.
Nagparating naman ng kani-kanilang pagbati at mensahe ang mga kaalyado at like-minded counties, sa Marcos administration sa pangunguna nina United States Ambassador Mary Kay Carlson, Ambassador of France to the Philippines and Micronesia Madame Marie Fontanel, Australia, at Japan ambassador. (JESSE KABEL RUIZ)
