PUNA ni JOEL O. AMONGO
MINO-MONITOR ng Bureau of Immigration (BI) ang galaw ng suspendidong si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pa matapos maglabas ng kautusan ang Department of Justice (DOJ) laban sa kanila.
Ito ay para matiyak na hindi sila makagagalaw ng anomang labag sa panuntunan ng batas matapos ang pagsasampa sa kanila ng mga kasong kriminal sa korte.
Natanggap ni BI Commissioner Norman Tansingco ang kautusan noong June 21 upang masiguro na hindi tatakas palabas ng bansa ang nasuspindeng alkalde kasama ang isang Guo Hua Ping at 17 iba pa.
Sa nabanggit na kautusan, inalerto ang lahat ng immigration officers na siyasating mabuti at i-double check kung may nakabinbing warrant of arrest laban sa alkalde.
Nakapaloob din sa kautusan na agad ibigay sa DOJ ang anomang impormasyon sa planong pagtakas ng grupo ni Mayor Guo.
May tagubilin din sa ahensya na maghain ng hold departure order (HDO) laban sa grupo ni Mayor Guo.
Sinabi ni Tansingco, naka-encode na sa database ng BI ang ILBO upang ma-detect ang tangkang pagtakas ng nasabing mga personalidad.
Kabilang sa binabantayan ang isang Zhang Jie, 30-anyos, na nagtangkang lumipad palabas ng bansa sa pamamagitan ng flight mula sa Davao International Airport papuntang Jinjiang, China.
Si Zhang Jie ay manager ng POGO sa Porac, Pampanga, na naharang sa Davao.
Nauna rito, may impormasyon na ang POGO sa Porac, Pampanga ay may kaugnayan sa POGO sa Bamban, Tarlac na sinalakay ng mga awtoridad kamakailan.
Sa POGO Bamban, Tarlac natagpuan ang ilang piraso ng uniporme ng People’s Liberation Army (PLA) ng China.
Matatandaang kamakailan ay sinuspinde si Mayor Guo ng Office of the Ombudsman matapos makitaan ng mga ebidensiya na ito ay may kinalaman sa operasyon ng POGO sa Bamban, Tarlac na nasa likod lamang ng nasabing munsipyo.
oOo
Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-752-1840.
