ISUSULONG ni Cong. Erwin Tulfo at ng mga kasamahan niya sa ACT-CIS Party-list ngayong linggo na sagutin na ng PhilHealth ang pagpapagamot laban sa leptospirosis at tetano ng mga pasyente na biktima ng mga kalamidad tulad ng bagyo, baha at sunog.
Ayon kay Cong. Tulfo, “malaking ginhawa sa mga pasyente lalo pa’t kung biktima sila ng kalamidad sa kanilang lugar”.
Aniya, wala na nga makain dahil sa bagyo o pagbaha o naubos ang gamit dahil sa sunog tapos tatamaan pa ng leptospirosis o tetano…paano pa magpapagamot ngayon? Ito pa ang isang problema na tila nakakaligtaan ng pamahalaan ang pagpapagamot ng libre sa mga biktima o mga residente na tinamaan ng sakit paghupa ng kalamidad.
“Naka-focus kasi ang effort natin during the typhoon o sunog, which is tama naman, pero when the water subsides and the smoke is clear…bahala na ang mga biktima sa pagpapagamot sa sarili o kapamilya nila,” dagdag pa ng Deputy Majority Leader.
Dagdag problema pa aniya ng mga tatamaan ng mga nasabing sakit ang pagpapagamot gayung nasalanta na sila ng kalamidad.
Kasama ni Tulfo na maghahain ng naturang resolusyon sina ACT-CIS Reps. Edvic Yap, Jocelyn Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap at si Quezon City 2nd Dist. Cong. Ralph Tulfo.
