KINONTRA ng Philippine National Police (PNP) ang akusasyon ng Chinese Embassy na nagkaroon umano ng diskriminasyon sa isinagawang operasyon sa isang steel plant sa Misamis Oriental kung saan 69 Chinese nationals ang inaresto.
Ang pahayag ng PNP ay kasunod ng ipinahayag na concern ng Chinese Embassy hinggil sa umano’y diskriminasyon laban sa mga Chinese nationals sa isinagawang operasyon ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), National Bureau of Investigation (NBI), Department of National Defense (DND), Office of Civil Defense (OCD), at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Ayon kay PNP Chief PGen. Melencio Nartatez Jr., kumilos lamang ang mga awtoridad batay sa batas at sa search warrant na inilabas ng korte kaugnay ng mga reklamong may kinalaman sa immigration violations, labor laws, at public safety issues bunsod ng umano’y presensya ng hazardous materials sa lugar.
Bukod sa mga naarestong dayuhan, sinabi ng PNP na may nadiskubreng radioactive materials sa ilang pasilidad ng planta na umano’y naglalagay sa panganib sa nasa 300 Pilipinong manggagawa at sa komunidad sa paligid ng PHILDEV compound.
Iginiit pa ng PNP na hindi nakabatay sa lahi o nasyonalidad ang operasyon kundi sa mga umano’y paglabag sa batas.
Tiniyak din ng pambansang pulisya na protektado ang karapatan ng lahat ng dayuhang manggagawa at investors sa bansa at isasagawa ang lahat ng legal na proseso nang patas, transparent, at may paggalang sa karapatang pantao.
Nauna rito, nanawagan ang Chinese Embassy ng pantay na pagtrato sa 69 Chinese nationals na inaresto sa operasyon.
“It is the paramount concern and top priority of the Embassy to protect the safety and lawful rights and interests of Chinese nationals in the Philippines. The Embassy is deeply concerned about this latest development,” ayon kay Chinese Embassy spokesperson Ji Lingpeng.
Magugunitang sinalakay ang isang steel factory sa Tagoloan, Misamis Oriental dahil sa umano’y paggamit ng hazardous materials.
Arestado ang 69 Chinese workers na kalaunan ay dinala sa isang detention facility sa Metro Manila.
Ayon pa kay Ji, agad umanong humiling ang embahada ng case notification at consular access para sa mga naarestong Chinese nationals ngunit hindi umano agad naibigay ang abiso sa loob ng apat na araw matapos ang operasyon, alinsunod sa Consular Agreement sa pagitan ng Pilipinas at China.
Sinabi rin ni Ji na batay sa kanilang imbestigasyon, may valid working visas o special work permits umano ang mga naarestong manggagawa at naibigay na umano ang mga dokumentong ito sa panig ng Pilipinas.
Hiniling din nito na linawin ang legal na basehan ng detention ng Chinese nationals.
(VERLIN RUIZ)
89 