KINUMPIRMA ni PNP Chief PGen. Melencio Nartatez Jr. na pinakilos na ang mga tracker team ng Philippine National Police (PNP) upang arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Nartatez, nakikipag-ugnayan na ang tracker teams sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) upang matunton at maihain ang warrant of arrest laban sa senador.
Tiniyak naman ng PNP chief na magiging makatao at naaayon sa umiiral na operational procedures ang pagpapatupad ng warrant laban kay Dela Rosa.
Inatasan na rin umano ni Nartatez ang lahat ng kinauukulang unit na pairalin ang maximum tolerance at propesyonalismo sa bawat yugto ng operasyon.
Humirit ng kustodiya sa PNP chief
Samantala, kinumpirma rin ni Nartatez na kinausap siya ni Dela Rosa hinggil sa posibilidad na sumailalim sa kustodiya ng PNP nang magkita sila sa Senado noong Mayo 13.
Sinabi ng PNP chief na ligtas naman umano ang senador kung nasa kustodiya ito ng pambansang pulisya.
Umapela rin si Nartatez kay Dela Rosa na sumuko nang mapayapa dahil bilang dating hepe ng PNP ay batid nito ang mga prosesong pinagdaraanan ng mga pulis sa pagsasagawa ng manhunt operations.
Gayunman, sinabi ni Nartatez na kapag sumailalim sa kustodiya ng PNP si Dela Rosa ay nangangahulugan na rin ito ng pagpapatupad ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Matatandaang ibinunyag ni suspended Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca ang umano’y hiling ni Dela Rosa na dalhin siya sa Camp Crame.
Samantala, sinabi naman ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director PMGen. Roberto Morico III na nasa bansa pa si Dela Rosa, gayundin ang negosyanteng si Atong Ang.
Ayon kay Morico, hawak na nila ang kopya ng arrest warrant mula sa ICC ngunit tumanggi na itong magbigay ng karagdagang detalye dahil nagpapatuloy pa ang operasyon.
Sinabi rin niya na agad na ituturnover sa DOJ si Dela Rosa sakaling maaresto ito.
(TOTO NABAJA)
85 