NAGHAIN ng petisyon sa Korte Suprema ang isang high school teacher upang kuwestyunin ang Department of Education (DepEd) Memorandum No. 012, series of 2026 na umano’y labag sa Konstitusyon.
Sa 23-pahinang mosyon, hiniling ni Barry Tayam sa SC na magpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) at Status Quo Ante Order (SQAO) upang mapigilan ang pagpapatupad ng Strengthened Senior High School Curriculum para sa School Year 2026–2027.
Iginiit ni Tayam na nagkaroon umano ng “grave abuse of discretion” ang DepEd at lumampas ito sa kapangyarihan ng ahensya.
Ayon sa petisyon, inaalis umano ng memo ang apat na academic strands sa Senior High School — Accountancy, Business and Management (ABM), Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM), Humanities and Social Sciences (HUMSS), at General Academic Strand (GAS) — at papalitan ng dalawang track na lamang: Academic at Technical Professional.
Dagdag pa niya, mababawasan umano ang mga asignatura mula 31 requirements tungo sa 14 hanggang 23 subjects, habang pagsasamahin ang core subjects, electives, at technical-professional subjects.
Mula rin umano sa 15 core subjects ay lima na lamang ang matitira. Pinalalawig din umano ang work immersion mula 80–320 oras tungo sa 320–640 oras.
“Hindi siya, sa tingin ko, naaayon doon sa constitutionality na dapat maganda ang quality of education na binibigay natin sa ating mga kabataan,” ani Tayam.
“So logically, paano natin masasabi na itong DepEd ay magbibigay ng quality education kung yung 15 core subjects ay mababawasan at gagawing lima na lamang,” dagdag niya. (JULIET PACOT)
125 