GINANG PINATAY NANG MALASING

QUEZON – Natagpuang tadtad ng saksak at wala nang buhay ang isang ginang sa kanyang silid makaraang makipag-inuman sa tatlong lugar sa bayan ng Atimonan sa lalawigang ito, noong Linggo ng madaling araw.

Ayon sa ulat, bandang ala-1:30 ng madaling araw nang madiskubre ang wala nang buhay na biktimang si Lorena Pizarro Deseo, 51, sa loob ng kanyang kuwarto sa Barangay Angeles.

Inihayag ng Atimonan Police, lasing ang biktima nang mangyari ang insidente.

Una itong nakipag-inuman sa bahay ng isang barangay kagawad dakong alas-7:00 ng gabi noong Sabado kasama sina Arwin Vasquez at Eva Espaniolla.

Pagkaraan ay lumipat ang mga ito sa isang tindahan sa kalapit na Barangay Balubad at nakipag-inuman sa isang nagngangalang Deo Aguilar.

Pagkaraan ay umuwi na ang biktima kasama si Aguilar at muli silang nag-inuman sa bahay ng babae.

Matapos ang inuman ay lumabas na umano si Aguilar at nahiga sa duyan nang makarinig ito ng kaguluhan sa loob ng bahay.

Sasaklolo sana umano si Aguilar ngunit may sumipa sa kanya na isang lalaki at tumakbong papalabas.

Matapos ito ay nadiskubre umano ni Aguilar ang biktima na duguan at tadtad ng saksak sa katawan.

Hawak pa rin ng mga awtoridad si Aguilar na siyang itinuturing na ‘person of interest’ sa krimen habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente. (NILOU DEL CARMEN)

211

Related posts

Leave a Comment