GUARTE, PERPEKTO SA 4 OBSTACLE RACES

WINALIS ni dating ­national track athlete Mervin Guarte ang apat na races sa Spartan ­Philippine National Series Leg 4 sa Batangas Lakelands nitong Nobyembre 6-7 sa Balete, Batangas.

Kasalukuyang miyembro ng national obstacle course racing team, nagtala si Guarte ng 27:28 tiyempo upang manguna sa 5 kilometrong obstacle race, na ang unang tatlong leg ay kanya ring pinagharian.

Dating middle distance runner at national record holder sa 800m si Guarte, na ngayon ay 4x800m national athletics record holder din kasama sina Wenlie Maulas at Paul Billones.

Miyembro ng Philippine Air Force, si Guarte ay kabilang din sa seven-member national team na magpapartisipa sa Spartan World Championships 21km sa Abu Dhabi, United Arab Emirates. Nakatakdang umalis ang delegasyon sa Nobyembre 30.

Sasabak ang pambansang koponan sa mga kategoryang Sprint 5K na 20 obstacles, Super 10K na may 13 km na layo at 25 obstacles, at Beast Half Marathon na may 30 obstacles.

Huling nag-uwi ng gintong medalya si Guarte sa kauna-unahang obstacle racing sa 29th Southeast Asian Games noong 2017, matapos siyang lumipat mula sa athletics. (ANN ENCARNACION)

321

Related posts

Leave a Comment