GUNMAN SA FISCAL SLAY, SILAT SA PAGPUGA

CAVITE – Muntikan pang mawalan ng saysay ang pagkakadakip sa suspek sa pagpaslang sa assistant fiscal ng Trece Martires City nang magtangka itong pumuga habang nakadetine sa Custodial Center sa Imus City noong Lunes ng umaga.

Si Marvin Linaban y Tagayon, 44, binata, ng Brgy. H2, Dasmariñas City, Cavite, umano’y hitman sa pagpatay kay Fiscal Edilberto Mendoza, 48, ay nakapuslit sa pagbabantay nina Corporal Lynard Pareja at Pat. Dexter Tapawan, duty jail officers, dakong alas-9:30 ng umaga sa loob ng PDEU Office sa Camp Pantaleon Garcia, Imus City, Cavite.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Wilson Candaba, humingi umano ng permiso si Linaban na magtungo sa comfort room upang dumumi kung saan inasistehan nina Pareja at Tapawan.

Pagkaraan, nang poposasan na ang suspek ay bigla umano nitong itinulak si Pareja at tumakbo sa likurang pintuan ng tanggapan patungo sa creek sa likod ng kampo.

Agad namang nagsagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad at mabilis na nadakip si Linaban na ibinalik sa selda dakong alas-2:45 ng hapon.

Matatandaan, binaril at napatay si Fiscal Mendoza noong bisperas ng Bagong Taon at inginusong suspek si Linaban na umamin umano sa pagpatay sa biktima kapalit ng halagang P25,000.

Pagkaraan ay nadakip ang suspek sa buy-bust operation sa Dasmariñas City, Cavite. (SIGFRED ADSUARA)

203

Related posts

Leave a Comment