PINUNA ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang umano’y kakulangan sa kooperasyon at data sharing ng Bureau of Customs (BOC), na aniya’y nakahahadlang sa imbestigasyon at pagsusulong ng mga kaso laban sa mga sangkot sa smuggling.
Ayon kay Remulla, nagiging problema sa pag-usad ng mga kaso ang delayed na pagsusumite ng BOC ng mahahalagang impormasyon at hindi kumpletong dokumentasyon.
Nagkaroon na aniya ng pagpupulong ang Ombudsman, BOC at Department of Justice (DOJ) upang matugunan ang problema at mapalakas ang kampanya laban sa smuggling.
Sinabi ni Remulla na mahalagang makumpleto ng Customs ang kinakailangang dokumentasyon upang maiwasang ma-dismiss ang mga kasong isinampa laban sa mga smuggler.
Ginawa ni Remulla ang pahayag sa gitna ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling na nagresulta sa serye ng pagkakasabat ng mga kontrabando sa magkakasanib na operasyon ng BOC, National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang law enforcement agencies.
Sa dalawang anti-smuggling operations kamakailan, ilang tauhan ng BOC ang nasangkot sa mga insidente.
Kabilang dito ang operasyon ng NBI noong nakaraang buwan sa Santa Maria, Bulacan, kung saan natuklasan ang tone-toneladang frozen chicken meat na umano’y ibinebenta ng mga tauhan ng BOC kahit nakatakda na itong wasakin.
Noong Agosto naman, sinalakay ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isang warehouse sa Bulacan na umano’y imbakan ng mga smuggled na sigarilyo.
Dalawang tauhan ng BOC ang nadatnan sa warehouse at umano’y tinatangkang ibenta ang mga sigarilyong nakatakda nang wasakin.
Kaugnay nito, nanawagan kamakailan si Senator Joseph Victor “JV” Ejercito kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na paigtingin ang paglilinis sa kanilang hanay, partikular sa intelligence arm ng ahensya na Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).
113 