INAKUSAHAN si Sen. Panfilo “Ping” Lacson ng umano’y paglabag sa confidentiality rule ng Office of the Ombudsman dahil sa patuloy nitong paglalabas ng mga pahayag at akusasyon laban kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa social media, kahit pormal nang naisumite sa Ombudsman ang mga dokumento at nagsasagawa na ito ng preliminary investigation.
Kabilang sa inilabas ni Lacson sa kanyang social media accounts ang 25-segundong video snippet mula sa joint field inspection ng Office of the Ombudsman, Philippine Reclamation Authority (PRA), Land Registration Authority (LRA), at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Taguig Lakeshore.
Ayon sa mga legal practitioner, sakop ng confidentiality requirements ng Ombudsman ang mga detalye ng isinasagawang fact-finding investigation, kabilang ang testimonya ng mga saksi at mga isinumiteng ebidensya.
Binanggit nila ang Republic Act No. 6770 o The Ombudsman Act of 1989 at mga alituntunin sa imbestigasyon ng Ombudsman, kabilang ang Administrative Order No. 1, Series of 2026, Rule IV, Section 5, bilang batayan ng naturang confidentiality requirement.
Layunin umano ng patakaran na mapanatili ang integridad ng imbestigasyon at maiwasan ang tinatawag na “trial by publicity” habang wala pang pinal na resulta o resolusyon ang Ombudsman.
Kabilang din sa mga dahilan nito ang pagprotekta sa mga saksi at ebidensya laban sa posibleng impluwensya o panghihimasok, gayundin ang pagtiyak sa due process at proteksyon sa reputasyon ng mga taong iniimbestigahan.
Dahil pormal nang nagsumite si Lacson ng mga dokumento sa Ombudsman na nagdadawit kay Cayetano at sa pamahalaang lokal ng Taguig sa umano’y mga iregularidad, sinabi ng mga legal observer na sakop na ng proseso ng nasabing tanggapan ang naturang usapin.
Dahil dito, kinuwestiyon ang patuloy na pagpapakalat ni Lacson ng mga video mula sa inspection at mga pampublikong akusasyon laban kay Cayetano habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon sa mga legal practitioner, ang pagsasapubliko ng mga detalye ng imbestigasyon at paglalatag ng mga alegasyon sa social media ay maaaring makasagabal sa layunin ng confidentiality rule na mapanatili ang patas, maayos at credible na proseso ng pagsusuri ng Ombudsman.
Nagsimula ang bangayan ng dalawang senador matapos ihayag ni Lacson ang kanyang mga natuklasan kaugnay ng umano’y 32 “ghost” flood control at slope protection projects sa Taguig na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso, gayundin ang umano’y ilegal na pagtatambak sa tinatayang 170 ektarya ng Laguna Lake.
Sa mga pahayag ni Lacson, nadawit ang pamilya Cayetano at ang pamahalaang lungsod ng Taguig sa mga alegasyon.
Mariin namang itinanggi ng Taguig City government at kampo ni Cayetano ang mga akusasyon.
Sa mga pormal na pagdinig sa Senado, lumitaw din na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang pambansang ahensya, at hindi ang Taguig LGU, ang pormal na proponents ng ilang infrastructure at reclamation projects sa kahabaan ng lakeshore. (TM)
82 