KABILA-kabilang aberya ang idinulog ng mga botante kaugnay ng pagkaantala sa pagboto makaraang makataan ng depekto ang mga vote-counting machines (VCM) at SD cards na gamit sa automated election na pinangangasiwaan ng Commission on Elections (Comelec).
Pinakamataas ang antas ng aberya sa National Capital Region kung saan hindi bababa sa 50 VCMs ang iniulat na depektibo sa hudyat ng pagbubukas ng mga polling precincts eksaktong alas 6:00 ng umaga.
Bagamat napalitan naman ng Comelec ang mga sirang VCMs, nagdulot naman ito mahabang pila sa mga pampublikong paaralang itinakdang polling places dahil kailangan pa umanong kumuha ng pamalit sa lalawigan ng Laguna kung saan nakadeposito ang mga VCMs.
Sa ibang lugar sa kabisera, hindi mabasang SD cards naman ang reklamo ng mga local election board.
Sa mga naturang lugar kung saan may naitalang aberya, alas 8:30 na nagsimula ang paggalaw ng mahabang pila.
Nang umpisahan ang aktuwal na pagboto, panibagong problema ang lumitaw sa kabiguan ng ilang VCMs na tumanggap at bumasa ng balota habang ang ilan naman ay hindi makapag-transmit ng datos.
Dito na napagpasyahan ng mga local election board na papasukin sa mga polling precincts ang mga nakapilang tao para markahan na ang mga balotang kanila namang agad isinubo pagdating ng mga pamalit ng mga depektibong VCMs at SD cards.