DISMAYADO si House committee on public account chairman Mike Defensor kay Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica dahil sa pagtanggi nito na pangalanan ang mga kongresista na sangkot sa katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Defensor, bagama’t kaisa siya ni Belgica sa kampanya laban sa katiwalian at handang makipagtulungan sa nasabing opisyal para makagawa ng batas laban sa anomalya sa mga proyekto ng gobyerno, ay dapat pangalanan nito ang mga kongresista na aniya’y sangkot sa katiwalian.
“In this particular case of representatives involve in graft it is best if the particular districts are identified,” ani Defensor para magkaroon ng ideya ang mga ito kung anong batas ang dapat gawin.
Unang hinamon ni Defensor si Belgica na pangalanan ang mga mambabatas na sinasabi nitong sangkot sa katiwalian sa DPWH na pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, tumanggi si Belgica na ikinadismaya rin sa mataas na kapulungan dahil mahigit 300 ang miyembro ng Kamara kung saan 250 ang district congressmen.
“While the institution is not being attacked, the net effect is that everyone is a suspect in the scheme which Comm Belgica stated. It would be unfair to the individual reps not involved and the collective institution of Congress,” ayon pa kay Defensor.
Kawawa aniya ang lahat ng mambabatas na pinagdududahan kahit walang ginagawang mali dahil sa tila ‘sweeping statement” ni Belgica kaya dapat aniyang pangalanan ng opisyal kung sino-sino ang mga tinutukoy niyang sangkot sa katiwalian.
P1.331-B naglaho
Kaugnay nito, iniulat ng Commission on Audit (COA) na nawalan ang DPWH ng P1.331 billion government funds dahil sa kabiguan nito na mabawi ang advance payments para sa “completed, rescinded or terminated projects.”
Ipinalabas ng COA ang audit report matapos sabihin ni Belgica na may mga mambabatas ang nakipagsabwatan sa ilang opisyal ng DPWH at project contractors para gumawa ng katiwalian.
Sinabi ni Beligica na ginagamit ng mga mambabatas ang kanilang impluwensiya sa pagpapatupad ng mga lokal na proyekto maging sa galawan ng district engineers ng DPWH.
“You know there are 250 districts, so each one talks to a congressman. It’s not centralized, so there are problems in monitoring,” ang pahayag ni Belgica sa isang panayam.
Hindi naman niya tinukoy kung sino ang mga mambabatas na ito.
Una nang kinondena ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nagpapatuloy na katiwalian sa DPWH. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
