WALA nang dahilan si dating Presidential spokesman Atty. Herminio ‘Harry’ Roque Jr. na manatili sa Netherlands at gamitin ang kaso ni dating pangulong Rodrigo Duterte para takasan ang kanyang pananagutan dito sa Pilipinas.
Ito ang iisang tinig ng mga mambabatas sa mayorya at minorya sa Kamara de Representante matapos makumpirma na hindi na kasama si Roque sa mga abogadong magtatanggol kay Duterte sa International Criminal Court (ICC).
“Tutal hindi ka naman pala magiging abogado ng dating pangulo, Harry, umuwi ka na at harapin mo ang mga kaso mo dito sa ating bansa,” paghamon ni House Assistant Majority Leader Amparo Maria Zamora sa dating opisyal ng Palasyo.
Si Roque ay ipinaaresto ng Kamara matapos balewalain ang imbitasyon ng House Quad Committee na nag-imbestiga sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at kasama si Roque sa mga kinasuhan sa operasyon ng Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Dangan nga lang ay imbes na magpaaresto ang tagapagsalita ni Duterte, umalis siya ng bansa at bigla na lamang itong sumulpot sa The Hague, na kung saan nakakulong ngayon si Duterte, para umano maipagtanggol niya sa ICC ang kanyang dating boss.
“Nakakagalit na ang isang dating human rights lawyer ay gagamit ng mga legal na technicality para takasan ang kanyang responsibilidad sa bayan. Ang pagtatago ni Roque sa Netherlands habang walang opisyal na papel sa ICC proceedings ay tahasang pag-iwas sa accountability,” ngingit din ni Deputy Minority Leader France Castro.
Ayon naman kay House Assistant Minority Leader Arlene Brosas, kung walang bahid ang konsensya ni Roque ay hindi ito magtatago at haharapin niya ang mga alegasyong sangkot ito sa operasyon ng POGO dito sa Pilipinas.
“Umuwi ka na at harapin mo ang mga alegasyon laban sa iyo. Hindi asylum ang kailangan mo kundi katapangan para harapin ang katotohanan,” parunggit ni Brosas.
Umapela din ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) para tukuying hadlang ang asylum application ni Roque sa Netherlands kaya’t makipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Dutch government para pauwiin si Roque dito sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
“Sa mga kabataan, ito ang halimbawa ng kaduwagan at kawalan ng prinsipyo. Ang dating abogado ng mga biktima ng human rights violation ay ngayon siyang nagtatago sa ibang bansa para iwasan ang kanyang sariling mga kasalanan,” reaksyon naman ni representative Raoul Manuel.
(PRIMITIVO MAKILING)
