(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
PINATUTSADAHAN kahapon ni Vice President Sara Duterte ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ginagamit ang resources ng gobyerno laban sa mga kalaban nito.
Sa pagdinig kahapon ng Senado kaugnay sa pagdakip kay Dating pangulong Rodrigo Duterte, dumalo si VP Sara sa pamamagitan ng video conference.
Aniya, alam ng lahat at alam din ng gobyerno na mali ang ginawa nitong pagsuko sa dating pangulo sa International Criminal Court (ICC) kung saan ito nahaharap sa reklamong crimes against humanity.
“Alam naman natin lahat at alam nila na mali ang ginawa nila. Ginawa nila ‘yon just to demolish political opponents,” ani VP Sara.
Sinabi rin nito na pulitika ang nasa likod ng pagpapadampot sa kanyang ama na kasalukuyang nasa The Hague, The Netherlands kung saan naroon ang ICC.
“This is all about politics. The administration is using the government resources to the ICC to demolish the opposition. Wala na tayong argument.. mali ang ginawa. Ang tanong ngayon, ano ang gagawin natin para maibalik ang dating pangulo sa Pilipinas. Kasi nag-iisa ako ngayon dito na gumagawa ng paraan para maibalik ang ating dating pangulo sa ating bayan,” pahayag ng batang Duterte.
Pahabol pa niya, “We have now lost a former president. I pray that we do not lose the country next.”
Nananatili sa The Hague si VP Sara habang patuloy na binubuo ang defense team ni dating pangulong Duterte.
ICC May Hurisdiksyon
Sa kabila ng paninindigan na hindi na tayo miyembro ng International Criminal Court o ICC, nilinaw ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may obligasyon pa rin ang Pilipinas na tumugon sa paghahabol sa mga indibidwal na nasasangkot sa paglabag sa humanitarian law.
Sa pagdinig sa Senado, paulit-ulit na tinanong ni Senador Imee Marcos ang mga miyembro ng gabinete kung kinikilala nila ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na hindi makikipagtulungan sa ICC.
Ipinaliwanag ni Remulla na magkaiba ang sinasabing hurisdiksyon ng ICC sa isang estado kumpara sa pananaklaw nito sa isang indibidwal na nahaharap sa kasong kriminal.
Binigyan-diin ng kalihim na transparent naman ang gobyerno kaugnay sa relasyon sa ICC kung saan simula nang kumalas ang bansa sa Rome Statute ay hindi na nakipag-ugnayan dito ang gobyerno.
Iginiit ng kalihim na bagamat hindi natin obligasyong makipagtulungan sa ICC, ibang obligasyon naman ang pagtulong natin sa paghahabol sa mga indibidwal na lumalabag sa batas alinsunod na rin sa International Humanitarian Law.
Bukod dito, nakapaloob din anya ito sa Republic Act 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.
Iginiit din ng Justice Secretary na hindi rin natin maaaring talikuran ang obligasyon nating makipagtulungan sa International Criminal Police Organization.
Walang Saysay – Bong Go
USELESS na ang mga pagdinig kung hindi naman maibabalik sa bansa si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito naman ang binigyang-diin ni Senador Christopher Bong Go sa kanyang opening statement sa pagdinig ng Senado kaugnay sa legalidad ng pag-aresto sa dating Pangulo.
Sinabi ni Go na pangunahin niyang tanong ay kung paano at bakit tayo umabot sa sitwasyong pinayagang maaresto ang dating Pangulo at isinuko sa International Criminal Court.
Iginiit ng senador na mayroon tayong sariling batas at korte kaya’t nakapagtatakang pinayagan ng gobyerno na dakpin ang isang Pilipino sa sariling bayan.
Kung anuman anya ang lumabas sa hearing, nasa The Netherlands na ang dating Pangulo at hindi rin siya tiyak kung ano pa ang maaaring gawin.
Binatikos din ni Go ang hindi pagpayag ng mga pulis na makapasok siya kasama ang doktor ng Pangulo sa Villamor Airbase nang inaresto ang dating Pangulo.
Binigyang-diin ng senador na marami nang karamdaman ang dating Pangulo at katunayan ay 27 piraso ang gamot na iniinom nito kada araw.
Hindi rin anya niya matanggap na nililitis ang dating lider ng Pilipinas sa ibang bansa na wala namang hurisdiksyon sa atin kaya’t dapat anyang pinayagan din munang masuri ang validity ng arrest warrant.
(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)
