PRO HAC VICE Ni BERT MOZO
OPTIMISTIKO si PANGULONG FERDINAND “BONGBONG” MARCOS, JR., na kanyang makakausap si US PRESIDENT JOE BIDEN, ito’y upang mapag-usapan at lalo pang mapaganda ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos para matiyak at mas lalo pang lumakas ang bilateral relations ng dalawang bansa dahil na rin sa patuloy at matagal na rin namang pagkakaibigan ng Pilipinas at Amerika.
Bukod sa naturang hangarin ni PBBM ay naniniwala rin itong mas lalo pang mapalalago ang ekonomiya ng Pilipinas sa tulong na rin ng ating mga kababayan sa Estados Unidos.
Sa kanyang talumpati sa harap ng ating mga kababayan sa New York City, kanya ring hinikayat ang ating mga kababayan na himukin ang kani-kanilang mga employer na mag-invest sa ating bansa.
***
LUNAS SA MALALANG TRAPIKO SA NCR
Lumutang na ito noon at ngayon ay inihihirit muli ng isang kongresista ang pagkakaloob ng emergency power kay Pangulong Marcos upang malutas ang lumalalang problema sa trapiko sa National Capital Region (NCR).
Sa House Bill no. 4363 na inihain ni Parañaque City Representative Gus Tambunting, layunin aniya ng naturang panukalang batas na matugunan ang problema sa trapiko sa NCR na umabot na sa P2.4 billion ang productivity loss kada araw batay na rin sa pag-aaral ng mga eksperto.
Ang nakikitang solusyon ni Cong. Tambunting ay ang pagkakaloob ng EMERGENCY POWERS kay PBBM upang mabilis na masolusyunan ang traffic crisis sa NCR.
Kabilang sa inihaing panukalang batas ni Tambunting ay pagbigay ng kapangyarihan kay BBM na mai-reorganize ang DEPARTMENT OF TRANSPORTATION, LAND TRANSPORTATION OFFICE, LAND TRANSPORTATION FRANCHISING AND REGULATORY BOARD, METROPOLITAN MANILA DEVELOPMENT AUTHORITY, at TOLL REGULATORY BOARD na kumokontrol ng lagay ng trapiko sa METRO MANILA.
Sa naturang panukala, tatagal ng dalawang taon ang EMERGENCY POWER para sa naturang problema, kung saan ang pondo ay kukunin sa PHILIPPINE AMUSEMENT AND GAMING CORPORATION, (PAGCOR), at MOTOR VEHICLE USER’S CHARGE FUND.
***
FACE MASK ON PA RIN!!!
Bagama’t may kautusan na optional na lamang ang pagsusuot ng face mask sa open spaces, mas mabuti sigurong ugaliin pa rin ang pagsusuot ng face mask upang makatiyak na may panlaban pa rin ang publiko sa nakamamatay na sakit na COVID-19.
Lumalabas kasi sa datos ng OCTA RESEARCH na sumirit na naman ang COVID-19 POSITIVITY RATE sa anim na lugar sa LUZON.
Batay sa pagbabantay ni Octa Research Fellow GUIDO DAVID, tumaas na naman ang POSITIVITY RATE sa METRO MANILA, BULACAN, CAVITE, LAGUNA, PANGASINAN, at RIZAL mula September 10 hanggang 17, 2022.
Batay sa datos na nangunguna sa may pinakamataas na POSITIVITY RATE ang lalawigan ng TARLAC na may 33.2 percent habang ang pinakamababa naman ay ang lalawigan ng Zambales na mayroon lamang 4.4 percent na tanging lugar na ikinukonsiderang nasa ”LOW” CATEGORY”.
Kaya kailangan, mga Ka-SAKSI, face mask on pa rin hangga’t hindi pa tuluyang napupuksa si Kobido o COVID-19.
