HEPE NG PNP-AKG SINIBAK

SINIBAK sa pwesto ang bagong promote na hepe ng Anti-Kidnapping Group na si Police PBGen Elmer Ragay.

Inihayag ni PNP Public Information Chief PCol Randulf Tuaño, na pinalitan si Ragay ni Police Col. David Poklay na dating Chief Directorial Staff ng CIDG.

Sa ulat, hindi nakuntento si PNP chief General Rommel Francisco Marbil sa kanyang trabaho.

Matatandaan, nitong nagdaang Pebrero ay dinukot naman ang 14-anyos na Chinese student sa Taguig City at kalaunan ay na-rescue.

Ayon kay PNP Public Information Office chief Police Brig Gen Jean Fajardo, bumuo na ng SITG na tututok sa kaso at pamumunuan ito nina PNP Directorial staff Police Lt General Edgar Allan Okubo at CIDG Director Police Major Gen Nicolas Torre III.

Konektado Sa POGO?

Samantala, nagtatag na ng Special Investigation Task Group ang PNP na tututok sa kaso ng pinatay na Filipino-Chinese steel magnate at driver nito.

Huling nakita ang mga biktima nitong Marso 29 sa kahabaan ng Macapagal Blvd. sa Pasay City sakay ng luxury car na kalaunan ay nakitang inabandona sa Seminary Road sa Barangay Bahay Toro sa Project 6, Quezon City.

Ayon sa mapagkakatiwalaang source, hindi ordinaryong kaso ng kidnapping at pagpatay ang nangyari sa negosyanteng si Anson Que at driver nito na si Armanie Pabillo na sa kabila ng pagbabayad ng halos P100 milyon ransom ng pamilya ay pinatay pa rin ang mga ito.

Idinagdag ng source, may kinalaman sa POGO ang insidente dahil kabilang sa maimpluwensyang mga Chinese ang nasa likod ng pagdukot at pagpatay sa negosyante.

Natagpuan ang bangkay nina Que at Pabillo sa tabi ng kalsada sa Sitio Udiongan, Barangay Macabud, Rodriguez, Rizal, bandang alas-6:00 ng umaga nitong Miyerkoles, Abril 9, 2025.

Kinumpirma ni Filipino-Chinese civic leader Teresita Ang-See ang pagkakakilanlan ng dalawang biktima.

Si Que ang may-ari ng Elison Steel sa Valenzuela City.

Sa inisyal na pagsisiyasat, ang mga biktima ay natagpuang nababalutan ng duct tape ang mukha at nakasilid sa nylon bag.

(TOTO NABAJA/NILOU DEL CARMEN)

51

Related posts

Leave a Comment