LCSP: NCAP NG MGA LGU HUWAG MUNANG IPATUPAD

NANAWAGAN ang Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP) sa mga local government unit (LGU) sa Metro Manila na magsagawa muna ng public consultation bago ipatupad ang kani-kanilang No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Sa pamamagitan ng founder nitong si Atty. Ariel Inton, kinuwestiyon ng LCSP ang muling pagpapatupad ng NCAP ng ilang LGU sa Metro Manila gayong mayroon nang umiiral na traffic enforcement system ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay Inton, nagkaroon ng kalituhan matapos i-dismiss ng Korte Suprema ang mga petisyong kumukuwestiyon sa NCAP ordinances ng ilang LGU dahil naging moot na ang mga isyu kaugnay ng pag-adopt ng bagong at uniform traffic enforcement framework sa ilalim ng Metro Manila Traffic Code of 2023.

Batay sa desisyon ng Korte Suprema, may primary rule-making authority ang MMDA sa traffic management sa Metro Manila at eksklusibong awtoridad sa pagpapatupad ng traffic laws, rules at regulations. Maaari lamang makilahok ang mga traffic enforcer ng LGU kapag sila ay deputized ng MMDA.

Dahil dito, sinabi ni Inton na kailangang malinaw muna kung ano ang legal na batayan ng mga LGU sa pagpapatupad ng sariling NCAP gayong mayroon nang unified traffic enforcement framework sa Metro Manila.

Iginiit din ng LCSP na dapat munang ipaliwanag ng mga LGU kung ang kanilang NCAP ay may private contractor o service provider na kumikita mula sa mga multang ipinapataw sa mga motorista.

Kabilang din sa mga tanong ng grupo kung bago ang mga ordinansang ipatutupad o batay sa mga naunang ordinansa, kung nagsagawa ng public hearing at kung malinaw sa mga motorista ang mekanismo para sa due process at pagkuwestiyon sa mga violation.

Ayon kay Inton, hindi tutol ang LCSP sa pagpapatupad ng mga patakaran para sa disiplina sa lansangan, kabilang ang NCAP ng MMDA.

Gayunman, sinabi niyang dapat pag-ibahin ang pagpapatupad ng traffic rules para sa road discipline at ang sistemang maaaring pagkakitaan ng private contractors mula sa mga multa ng motorista.

Samantala, binigyang-diin ng LCSP na hindi nangangahulugan ang dismissal ng mga naunang petisyon na napatunayang valid ang mga kinukuwestiyong NCAP issuances.

Ayon sa Korte Suprema, maaari pa ring magsampa ng panibagong petisyon kung ang revised NCAP system ay magbubunga ng aktuwal na kontrobersiya sa hinaharap.

Dahil dito, nanawagan si Inton sa mga LGU na magsagawa muna ng public consultation at linawin sa publiko kung anong uri ng NCAP ang kanilang planong ipatupad bago ito tuluyang isagawa.

(JULIET PACOT)

55

Related posts

Leave a Comment