PATAY ang isang 29-anyos na ginang habang dalawa pa ang malubhang nasugatan kabilang ang 2-anyos na paslit, matapos mahagip ng pick-up truck ang kanilang sinasakyang tricycle sa bayan ng Sta. Barbara, sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Sta. Barbara PNP, lulan ang mga biktima ng tricycle na minamaneho ng 24-anyos na security guard, nang salpukin sila sa likurang bahagi ng pick-up truck na minamaneho naman ng 38-anyos na sales agent bandang alas-4 ng madaling araw sa Barangay Tebag West.
Dahil sa lakas ng impact, nawalan ng kontrol sa minamanehong tricycle ang driver, na bumaligtad ng ilang ulit bago huminto sa labas ng kalsada.
Nagawa namang maitakbo ang tricycle driver, kanyang live-in partner at kanilang anak sa Urdaneta City District Hospital.
Subalit idineklara ng attending physician ng nasabing hospital na dead on arrival ang ginang habang nanatili naman sa pagamutan ang live-in partner nito at ang kanilang anak.
Pansamantalang hawak ng mga awtoridad ang pick-up truck driver matapos itong isailalim sa medical examination ng Region 1 Medical Center sa Dagupan City para kaukulang follow-up investigation.
(JESSE RUIZ)
66 