CLICKBAIT ni JO BARLIZO
LAMAN ng balita nitong weekend si dating senador Antonio Trillanes IV dahil sa mga rebelasyon sa kanyang presscon noong Biyernes.
Humarap sa media si Trillanes matapos hindi matuloy sa kanyang pagtestigo sa Impeachment court. Aniya, sa presscon ay walang objection kaya mabilis ang presentation.
Pero, pinigilan nga ba ang dating senador sa pagtestigo laban kay VP Sara Duterte? Kung titingnan ang record, malinaw ang sagot ay HINDI.
Noong September 29, hindi muna naglabas ng subpoena para kay Trillanes. Hindi dahil ayaw siyang patestiguhin, kundi dahil hindi pa handa ang ebidensyang dapat niyang patunayan.
Nakatakda siyang tumestigo tungkol sa ilang bank records. Ngunit hindi pa naipiprisinta sa korte ang mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council at mga kaugnay na bangko.
Hindi maaaring mauna ang witness sa ebidensya. Hindi pwedeng mauna ang kalesa sa kabayo.
Mismong si Presiding Officer Chiz Escudero ang nagsabing walang pumipigil sa prosecution na kusang iharap si Trillanes. Hindi siya disqualified at nananatiling bukas ang pagkakataong tumestigo siya kung nanaisin iyon ng prosecution.
Nilinaw rin ni Senator Ping Lacson na hindi personal na desisyon lang ni Escudero ang hindi pag-subpoena kay Trillanes. May proseso at may naging desisyon ang prosecution.
Noong October 1, mismong si lead prosecutor Congresswoman Gerville “Jinky” Luistro ang nag-anunsyo na pinal na ang desisyon ng prosecution na hindi na iprisinta si Trillanes.
Ayon sa prosecution, sinusuri nila kung kailangan pa ang kanyang testimonya o mauulit lang nito ang mga ebidensyang nasa korte na.
At higit sa lahat, si Trillanes mismo ang nagsabing hiniling niyang alisin ang kanyang pangalan sa witness list. Kinumpirma rin ito ni private prosecutor Lorna Kapunan.
Kaya klaro ang nangyari. Hindi siya pinagbawalan ng korte. Hindi muna naglabas ng subpoena dahil hindi pa naihaharap ang bank records. Prosecution mismo ang nagdesisyong huwag na siyang iprisinta. At si Trillanes mismo ang humiling na alisin ang kanyang pangalan sa listahan.
Kaya mahirap unawain ang mga pahayag na para bang isinara ng korte ang pinto sa kanya.
Nasa record ang lahat. Walang ban. Walang disqualification. May proseso, may desisyon ang prosecution, at may sariling kahilingan si Trillanes.
Mahalaga ito dahil kredibilidad ng impeachment process ang nakataya. Sa loob ng korte, ebidensya ang dapat magsalita. Sa labas nito, ganoon din dapat.
Kung katotohanan ang hinahanap sa loob ng korte, katotohanan din sana ang pairalin sa labas nito.
73 