HINDI MATAPOS NA SAKRIPISYO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SABI na nga ba, masasapol ng mega oil price hike ang inflation.

Bumilis ang antas ng pagmahal ng mga produkto at serbisyo sa bansa nitong Marso matapos ang walang patid na malakihang taas-presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, 4.1 percent ang inflation rate nitong Marso, mas mataas kumpara sa naitalang 2.4 percent noong Pebrero.

Ayon sa PSA, may malaking ambag ang sektor ng transportasyon sa pagbilis ng inflation bunsod ng tuloy-tuloy na pagmahal ng mga produktong petrolyo.

Gaya ng sinabi ni PSA Undersecretary at National Statistician Claire Dennis Mapa, hindi mapasusubalian na tataas pa ang inflation ngayong Abril.

May mga pagtaas na at sa isang linggo ay may dagdag-presyo rin sa mga pangunahing pangangailangan, ngunit tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko na walang taas-presyo sa mga pangunahing bilihin hanggang Abril 30. Sakop nito ang 205 produkto na nakalista sa ilalim ng stockkeeping units list ng DTI.

Nagtaasan na nga raw bilihin kaya ano’ng silbi at kasiguruhan ng pahayag na ito ng ahensiya?

Naku, ‘di na kayang hilutin ang nararamdaman ng publiko dahil hindi na pilay ang dumapo sa tao kundi pagkabaldado na.

Mabigat na pasanin, lalo ng mahihirap, ang sumisirit na presyo ng bilihin, na lalong mararamdaman ang kalbaryo dahil sa bumabang halaga ng piso.

Kapag tumataas ang inflation ay bumababa ang kakayahang makabili ng pera.

Ayon sa PSA, bumaba sa 0.75 sentimo ang purchasing power ng piso.

Ang halaga ng P1 sa pinagbasehang taong 2018 ay katumbas na lang ng 75 sentimo nitong Marso 2026. Sangkapat ang nabawas sa halaga ng piso.

Ano na lang ang mabibili ng piso? Limang piso na nga ang sa tusok-tusok sa night market, gayundin ang kendi na dati ay piso ang isa.

Saan patungo ang mga Pilipino? Sa kahirapan, na ang tugon na lang ay maisalba ang buhay.

Sabi nga, dapat maghanda ang mga Pilipino sa matagal na panahong mataas ang presyo ng mga produktong petrolyo kahit pa matapos na ang kaguluhan sa Gitnang Silangan.

‘Yang mga hakbang ng gobyerno ay lulusawin lang ng matinding epekto ng krisis sa langis.

Ang ayuda ay pansamantalang pantapal sa kirot ng sikmura, ngunit hindi pangmatagalang panlaban sa gutom at uhaw.

Agarang pagkilos at seryoso at malinaw na plano ang dapat na tugon para maibsan ang bigat na pasan ng sambayanan.

Nakababahala kung magiging masahol ang kalagayan ng publiko.

Sabayan na lang natin ng dasal na sana ay umayos ang takbo ng utak ng mga nasa gobyerno. Na sana ay maging makatao at makabayan sila sa mga panahong ito, hindi iyong puro pagsasalba sa sarili ang inaatupag.

Hindi ko tuloy maiwasang mainggit sa mamamayan ng Tanzania. Biruin mo, presidente mismo nila ang nag-utos sa lahat ng opisyal ng kanilang gobyerno na mag-bus para makatipid.

Dito kaya sa atin uubra rin ‘yan? Baka sa dami ng kanilang mga bodyguard, magmistulang nirentahan na nila ang buong bus. Kawawa na naman ang mga mananakay.

Sabagay, noong may krisis sa gasolina noong dekada 70 ay matatag na hinarap ng mga tao ang sitwasyon. Pumila para makabili ng gas. Pahirapan din makabili ng bigas kaya minsan o madalas ay nilulugaw ang bigas para dumami. Kung may niyog ay ginagataan ang lugaw, at presto! kahit asukal ay ulam na. Kung walang bigas ay mais na giniling ang isasaing, at para sumarap ang lasa ay gata muli ang panimpla. Sa mga hindi kasi nakasanayan na gawing sinaing ang mais ay iba ang hagod nito sa lalamunan.

Ngayon, hinahamon muli ang tatag ng mga tao.

Kaya pa bang magsakripisyo para maisalba at mairaos ang patak ng mga araw?

Ah basta, ibang sacrifice muna ang gusto kong pakinggan upang gumaan ang pakiramdam – iyong kanta ni Elton John.

73

Related posts

Leave a Comment