ON THE LEVEL ni JUNEX DORONIO
SA gitna ng mga walang basehang intriga na ibinabato laban kay District Collector Alexandra Yap-Lumontad ng Bureau of Customs Port of Cebu, malinaw na ang pinakamabisang sagot ay hindi salita—kundi konkretong resulta. At kung pagbabatayan ang pinakahuling datos ng Bureau of Customs (BOC) Port of Cebu, hindi maikakaila ang tuloy-tuloy na pag-angat ng koleksyon sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Noong Marso 2026, muling nalampasan ng Port of Cebu ang itinakdang buwanang target. Umabot sa Php 4,342,166,104.52 ang kabuuang koleksiyon—lampas sa target na Php 4,320,972,985.51—na nagresulta sa sobrang Php 21,193,119.01 o katumbas ng 0.49%. Higit pa rito, nagpakita ito ng 14.94% pagtaas kumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon, o dagdag na Php 564,296,602.93 laban sa Marso 2025.
Hindi lamang ito iisang buwang tagumpay. Sa unang quarter ng 2026, umabot sa Php 12,357,646,083.63 ang kabuuang koleksiyon ng pantalan—higit sa target na Php 11,970,460,834.76—na may surplus na Php 387,185,248.87 o 3.23%. Katumbas din ito ng 1.53% paglago kumpara sa unang quarter ng nakaraang taon.
Mas kapansin-pansin, ito na ang ikatlong sunod na buwan ngayong taon na nalampasan ng Port of Cebu ang kanilang target, at ikaapat na magkakasunod mula pa noong Disyembre 2025.
Ipinapakita lamang nito ang matatag na direksyon at epektibong pamamahala sa ilalim ni Yap-Lumontad—isang lider na pinagbabatayan ang aksyon, hindi intriga.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Yap-Lumontad ang mas malalim na kahulugan ng kanilang tagumpay:
“Bawat pisong aming nakokolekta ay hindi lamang kita. Ito ay sumasalamin sa disiplinadong pamamahala, mas matibay na pagsunod sa batas, at sa aming pananagutang maghatid ng pondo para sa mahahalagang serbisyo ng sambayanang Pilipino.”
Sa kabila ng ingay ng mga kritiko, ang patuloy na pagtaas ng koleksyon ay patunay ng pinalakas na enforcement, mas maayos na proseso, at episyenteng operasyon sa pantalan.
Ang mga pagbabagong ito ay nakaayon din sa repormang isinusulong ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno—na layong palakasin ang kita ng pamahalaan, padaliin ang lehitimong kalakalan, at tiyakin ang seguridad ng ating mga hangganan.
Sa huli, ang tunay na sukatan ng liderato ay hindi nasusukat sa tsismis o haka-haka, kundi sa malinaw na resulta.
At sa kaso ni Yap-Lumontad, ang mga numero na mismo ang nagsasalita—matibay, malinaw, at hindi matitinag ng intriga.
**’*****’
Para sa reaksyon, email doroniojunex777@gmail.com
120 