HINDI NA AKO NANINIWALA SA MGA IMBESTIGASYON LABAN SA MGA OPISYAL NG PAMAHALAAN

SIGURADO ako na hindi lang ako ang Filipino na hindi naniniwala sa mga imbestigasyong isinasagawa laban sa mga opisyal ng pamahalaan na nabalitang mayroong linabag na batas at alituntuning itinakda ng mga namumuno ng iba’t ibang kagawaran at ahensiya ng pamahalaan kundi napakarami.

Huwag kayong magagalit sa akin at sa mga taong dismayado nang todo at ­sobrang buwisit na sa mga imbestigasyon dahil wala namang napatunayang ginawa nila ang krimeng ­inireklamo laban sa kanila.

Kita n’yo, sina Juan Ponce Enrile, Jose Jinggoy Estrada, Ramon Bong Revilla Jr.? Hindi napatunayan ng Sandiganbayan na nakagawa sila ng krimeng pandarambong at korapsyon, samantalang mahigit P10 bilyong perang nakaugnay sa tinatawag na “pork barrel” ang nanakaw sa pamahalaan.

Nakulong sina Enrile, Estrada at Revilla sa bilangguan ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Rafael Crame, ngunit hindi ibig sabihin “guilty” sila sa kasong kinasangkutan nilang tatlo.

Bahagi lamang ng ­proseso sa isinagawang paglilitis ng Sandiganbayan ang paglalagay sa kanila sa kustodiya ng PNP.

Ganoon din naman ang mga kasong kriminal laban kay Senadora Leila de Lima na may kinalaman sa ilegal na droga.

Hindi pa naglabas ng desisyon ang mga sangay sa Muntinlupa Regional Trial Court na may hawak sa mga kaso ni De Lima.

Malalaking krimen na ang pinag-uusapan sa kaso ng apat, ngunit napakatagal na ng mga kaso nila.

Hindi pa rin natutumbok ng mga nag-imbestiga laban sa kanila na mayroong matibay, malakas at sapat na mga ebidensiya laban sa kanila.
Kung nakadidismaya ang nabanggit ko, higit na nakapanlulumo ang mga ‘kaso’ nina Senador Aquilino Pimentel III, Senador ­Manny ­Pacquiao, Presidential Spokesman Harry Roque Jr., Laoag City Michael Keon dahil hanggang ngayon ay walang nalalaman ang mamamayang Filipino na nilabag nila ang batas hinggil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Basahin n’yo uli at ­sipating mabuti ang mga posisyon ng mga taong binanggit ko na nabalitang lumabag sa batas hinggil sa COVID-19.
Dalawang senador, tagapagsalita ng pangulo ng Republika ng Pilipinas at alkalde ng sikat na lungsod.

Lahat sila bigatin.

Pokaragat na ‘yan!

Sina Pacquiao at Pimentel ay matataas na opisyal ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP – Laban) na pinamumunuan ni Pangulong Rodrigo Duterte mismo.

At itong si Pacquiao na siyang pangulo ng PDP-Laban ay balitang-balita na nag-aambisyong maging pangulo ng Pilipinas pagkatapos ng termino ni Duterte sa Hunyo 30, 2022.

Tapos, nagsalita siya sa Batangas sa harapan ng napakaraming tao na halos magkapalitan ng mga mukha at maraming walang face mask at face shield sa kanila.

Pokaragat na ‘yan!

Sa kaso ni Pimentel, hindi pa tapos ang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) noong Abril 2020.
Baka hindi nila alam na Enero 2021 na ngayon.

Sina Pacquiao at Roque naman ay inabsuwelto na ng PNP, ayon sa Department of the Interior and Local ­Government (DILG).
Ang nag-anunsiyo sa media sa pagpapawalang-sala ng PNP kina ­Pacquiao at Roque ay walang iba kundi si DILG Secretary ­Eduardo Ano mismo.

Si Keon naman ay iniimbestigahan pa ng DILG.

Hindi pa rin tapos hanggang ngayon ang imbestigasyon ng DOJ tungkol sa iba pang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sangkot sa talamak na ­korapsiyon at pandarambong.

Ito namang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na pinangangasiwaan nina Dante Jimenez at Greco Belgica ay nagpasa kay ­Pangulong Duterte ng mga pangalan ng ilang ­kongresistang sangkot sa korapsiyon sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), pero idiniin ni Duterte na walang matibay na ebidensiya.

Pokaragat na ‘yan!

Pero, dati ay ilang ulit na ipinangalandakan ni ­Belgica sa media na mayroong matibay, malakas at sapat na mga katibayan laban sa halos labingdalawang korap na mga kongresista.

Nang binasa ni Duterte dahil sa udyok ng isang politikong solido ang kanyang tiwala ay binanggit lang ng pangulo ang mga pangalan ng mga ­kongresista.

Hindi kategorikal na tinumbok at idiniin ni Duterte na mayroong mga ­ebidensiya laban sa kanila na siguradong makakakumbinsi kahit sa bagitong imbestigador sa Office of the Ombudsman sila ay mga korap.

Grabe ang PACC nina Jimenez at Belgica.

Biruin ninyo, ang PACC ay organo ng pamahalaan na direktang sakop ng Office of the President (OP), pero kapos na kapos ang imbestigasyon laban sa mga korap, samantalang mga kagalanggalang na mga kongresista ang binabangga nito.

Ang PACC ay itinatag ni Duterte upang makatulong sa kanyang administrasyon at sa Office of the Ombudsman laban sa mga tiwali, korap at mandarambong na mga ­opisyal ng pamahalaan na itinalaga ni Duterte.

Ngunit, sa halip na ­makatulong ay tila binibigyan pa ng sakit ng ulo si Duterte at ang mamamayang Filipino.

Pokaragat na ‘yan!!!

Ngayon, sabihin ninyo sa akin kung masama na hindi ako maniwala at ang iba pang mga Filipino sa mga imbestigasyon laban sa mga opisyal ng pamahalaan.

111

Related posts

Leave a Comment