DAHIL SA UTANG, OFW HINDI MAKAUWI NG BANSA

KAMAKAILAN ay nakatanggap ako ng tawag mula sa nagpakilalang Ermon na kapatid ng isang OFW na nasa Dubai.
Naikwento sa akin ni Ermon ang pinagdaraanan ng kanyang kapatid na kung saan ay wala na itong trabaho at tiyak na tirahan dahil sa kinakaharap nitong kaso na isinampa ng kapwa rin OFW na si Angeline.

Mahigit sampung taon na nila diumano ­hinahanap si OFW Angeline na ­pinagkakautangan ng ­kanyang kapatid na si OFW ­Gilbert para pakiusapan ito na iurong na lamang ang kaso.

Marami na silang nilapitang mga NGO at opisyal ng gobyerno upang tulungan silang mahanap ang nasabing Pinay at mamagitan para sa kanilang pag-uusap.

Matapos ang aming pag-uusap ni Ermon ay agad kong tinawagan ang Overseas Workers Welfare ­Administration (OWWA) Welfare Officer na si Julie Fabian upang ipakiusap na hanapin at tawagan ang Pinay na pinagkakautangan ni OFW Gilbert.

Matapos ang halos 12 oras ay nakatanggap ako ng mensahe mula kay Welfare Officer Fabian at ibinalita niya sa akin na kanyang nakausap ang kapatid ni OFW Angeline at ibinigay nito ang telepono na maaaring matawagan para siya makausap.

Nitong Miyerkoles sa programa namin ni Col Gerry Zamudio na Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran (UP UP PILIPINAS) ay maimbitahan at nakapanayam namin pareho sina Ermon at si OFW Angeline.

Dito ay nagkaroon ng pagkakataon ang pamilya ni OFW Gilbert na personal na nakiusap kay OFW ­Angeline. Nabigyan din ng ­pagkakataon si OFW Angeline na ­masabi at ­maipaliwanag ang ­kanyang saloobin.

Bagamat hindi direktang sinabi ni OFW Angeline na kanyang iurong ang kasong isinampa laban kay OFW Gilbert, ay nagbigay pa rin naman ito ng kanyang pagsiguro na hindi na niya ito mahigpit na ipaglalaban sa Korte alang-alang sa Nanay ni OFW Gilbert.

Maging aral sana sa ­lahat ng mga OFW sa ibang bansa na ang pangungutang ay maaring maging dahilan ng kanilang pagkakakulong. Maari rin silang ­ma-travel ban sa oras na sila ay ­nakasuhan sa Korte.

Hindi rin maaring magbigay ang gobyerno ng anumang halaga para lamang ­ipambayad sa pribadong utang ng mga OFW.

172

Related posts

Leave a Comment