Hindi pa rin pwedeng bumiyahe UNCONSOLIDATED VEHICLES EKIS SA LTFRB

HINDI papayagang makabiyahe ang mga unconsolidated passenger vehicle habang pinag-aaralan pa ng binuong komite ni Transportation Secretary Vince Dizon ang PUV (public utility vehicle) Modernization program.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) spokesperson Atty. Ariel Inton, sa ngayon ay patuloy na pinag-aaralan ng komite ang PUV modernization para higit na mapaganda ang implementasyon ng naturang programa.

Sa ginanap na QC Journalist forum, nabatid kay Inton na sa kasalukuyan ay mahigit 40 porsyento pa lamang nang may higit 80 porsyentong nag-apply sa PUV consolidation ang naaprubahan ng LTFRB.

“Wala pang direktiba sa LTFRB na papayagang makabiyahe ang mga unconsolidated vehicles at kasama yan sa pinag-aaralan ng binuong komite ng Department of Transportation (DoTr) kung papayagan sila na makabiyahe,” ayon kay Inton.

Sinabi pa ng tagapagsalita ng LTFRB na wala pang ibinababa sa ahensya hinggil sa naturang usapin at sinabi na sa ngayon ang mga consolidated PUVs lamang ang binigyan ng permit ng LTFRB na makapasada.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Leonard Bautista, executive Vice President ng transport group na LTOP, na mayroong mga unconsolidated vehicle ang patuloy na pumapasada dahil wala pa namang malinaw na batas ang DoTr hinggil dito.

“Kami sa aming hanay ay mga nagpa consolidated na pero hanggang ngayon ay wala pang linaw ang programang yan kaya may mga unconsolidated vehicles ang patuloy na nakakabiyahe” ani Bautista.

(PAOLO SANTOS)

34

Related posts

Leave a Comment