MAY ilang nagpadala ng mensahe sa inyong lingkod matapos mabasa ang aking kolum dito sa SAKSI NGAYON noong Biyernes. Saan ko raw ba nakuha ang sinulat ko?
Sa totoo lang, wala akong alam kung mayroong record ang mga nasambit nilang ahensya tungkol sa FEG. At dahil marami-rami rin naman silang nagtatanong, sinabi ko na lamang na basahin nila ang SAKSI NGAYON ngayong araw.
Para sa kaalaman ng lahat, sariling file ko ang pinagkukunan ko ng lahat ng impormasyon sa lahat ng mga pahayagang sinusulatan at sinulatan ko mula pa noong 1971, nang maging sportswriter ako ng pre-martial law Manila Times na pag-aari noon ni Ginoong Chino Roces at pamilya.
Ang Times kasi noon ay kilalang newspaper or records kung kaya malimit akong maatasang manaliksik kapag may sinusulat akong istoryang may kinalaman sa kasaysayan ng sports sa Pilipinas.
Marami sa mga produktong pinagpaguran ko ay naitago ko at dala ko hanggang sa Philippine News Agency nang maging reporter ako matapos madeklara ang Martial Law at kalaunan ay naging sports editor doon.
At maging sa lahat ng iba pang publikasyong napagtrabahuhan ko nang umalis na ako sa PNA.
Nasa garahe ng bahay ko ang mga file na yun. Inaalikabok. Pero kahit na halos atakihin ako ng asthma sa paghahanap ng kailangan ko, okay lang.
Napapakinabangan ko naman at ng mga nakababasa ng mga sinusulat ko.
Katunayan, ang mga file ko ang malamang naging basehan ng POC at PSC para gawaran ang inyong lingkod ng karangalang “SPORTS HISTORIAN” ilang taon na ang nakalilipas kaugnay sa pagdiriwang ng “OLYMPIC DAY.”
Yabang, ano po?
Pero hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko, ako po ang kauna-unahang nagawaran ng naturang prestihiyosong gawad-pagkilala. May pahintulot umano ito ng International Olympic
Committee ang, ayon kay Jeff Tamayo, pangulo ng Soft Tennis Federation of the Philippines na siyang nag-abot sa akin ng tropeo sa isang seremonya.
Sa mga mahal naming mambabasa, kung gusto po ninyong malaman ang lahat tungkol sa Philipine sports, ugaliin lang po ninyong magbasa ng SAKSI NGAYON araw-araw.
251
