House probe sa lingguhang oil price increase SABWATAN NG OIL COMPANIES HIHIMAYIN

(BERNARD TAGUINOD)

TUTUMBUKIN sa imbestigasyong itinutulak sa Kamara kung totoong nagsasabwatan umano ang malalaking kumpanya ng langis sa pagpepresyo ng kanilang produkto na labis nakaaapekto sa mga Pilipino.

Sa House Bill (HB) 1651 na inakda ni House committee on energy chairman Juan Miguel Arroyo, nais umanong imbestigahan ng mga ito ang basehan ng oil companies sa lingguhang oil price increase na nakadaragdag sa pagmahal ng mga bilihin lalo na ang pagkain.

Mula unang linggo ng Enero 2021 ay nagpatupad na ng oil price increase ang mga kumpanya ng langis at naging lingguhan ito hanggang ngayong buwan ng Marso.

Ayon sa resolusyon, lalong bumibigat ang pasanin ng mamamayan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa dahil sa epekto nito sa mga pangunahing bilihin partikular sa pagkain.

“Whereas, the consuming public, already reeling from the rising of prices of food commodities deserve a full, truthfull, and transparent explanation of the continuing price hike of fuel amid the apparent refusal of oil companies to be fair and transparent with fuel pricing,” ayon sa resolusyon ni Arroyo.

Magugunita na hindi sumunod ang mga kumpanya ng langis sa direktiba ng Department of Energy (DOE) na idetalye ang kanilang gastos at kita sa bawat litro ng mga produktong ibebenta o ang tinatawag na unbundling.

Kailangan ito aniyang imbestigahan at maging ang gawain ng mga kumpanya ng langis na ang bilis magpatupad ng oil price increase kapag gumalaw kahit konti ang presyo sa World Market subalit kapag bumaba naman ay napakabagal magpatupad ng rollback.

Bubusisiin din umano kung talagang nagsasabwatan ang oil companies dahil pare-pareho ang presyo ng mga ito kapag nagpatupad ng oil price increase kaya nababalewala ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 na nagsusulong ng kumpetisyon sa mga industry player.

316

Related posts

Leave a Comment