SUPORTADO ni Senador Bam Aquino ang panawagan na magdeklara ng state of national emergency kasabay ng babala na nasa “krisis” na ang bansa dahil sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis na agad tumatama sa bilihin.
Ayon kay Aquino, kailangan ng agarang aksyon ng pamahalaan para mapigil ang domino effect ng oil price hike na nagpapahirap hindi lang sa consumers kundi pati sa iba’t ibang industriya.
Sa ilalim ng state of national emergency, maaaring gamitin ng Pangulo ang mas malawak na kapangyarihan upang ituon ang pondo ng gobyerno sa pagbibigay ng pinansyal at iba pang uri ng tulong sa iba’t ibang sektor, dagdagan ang pondo para sa repatriation ng overseas Filipino workers sa mga apektadong lugar, at magpatupad ng mga hakbang sa pagkontrol ng presyo.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Aquino ang pangangailangang mahigpit na bantayan ang pagpapatupad ng mga hakbang na ito upang matiyak na ang tulong ay makarating sa mga dapat makinabang at maiwasan ang anomang pang-aabuso o iregularidad.
Muli rin niyang iginiit ang agarang ayuda para sa transport workers, MSMEs, at maging middle class na unti-unting naiipit sa tumataas na gastusin.
Walang Krisis – Palasyo
Samantala, mariing itinanggi ng Malacañang na may krisis sa bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi umano problema sa suplay kundi “price disruption” lang ang nararanasan dahil sa tensyon sa Middle East.
“Hindi tayo nauubusan ng langis,” diin ni Castro.
Tiniyak din niya na nakaantabay ang mga ahensya tulad ng Department of Energy (DOE), Department of Agriculture (DA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para
masigurong may sapat na suplay ng krudo, pagkain, at tulong sa publiko.
Dagdag pa ng opisyal, ginagawa ng administrasyon ang lahat upang maprotektahan ang mamamayan kahit ramdam ang pagtaas ng presyo.
Gayunman, aminado ang Palasyo na hindi maiiwasang tamaan ang Pilipinas ng epekto ng kaguluhan sa Middle East kaya panawagan nila, magtulungan at magtipid.
Sa ngayon, tuloy ang hakbang ng DOE sa pangunguna ni Energy Secretary Sharon Garin upang tiyakin na hindi magkukulang ang suplay ng langis.
Ayon sa Palasyo, may ongoing negotiation para sa 440,000 barrels ng fuel at posibleng pag-angkat pa ng karagdagang 600,000 barrels ng langis upang masigurong tuloy-tuloy ang supply sa bansa.
(DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)
58 