ITO ang naging pahayag ng Malakanyang sa kumakalat ngayon sa social media diumano’y ipinatutupad na karagdagang COVID-19 restrictions, kabilang na ang hindi pagpayag sa mga unvaccinated na makalabas ng kanilang bahay.
Hindi rin aniya totoo na hindi kasama ang mga ito sa makakakuha ng ayuda sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ).
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na hindi dapat maniwala ang publiko sa “fake news” na ito.
Ani Sec. Roque, malabong magpatupad ang pamahalaan ng ganitong limitasyon lalo pa’t hindi pa nakakamit ng Pilipinas ang population protection” o pagbabakuna sa 50% ng populasyon nito laban sa COVID-19.
Ang mga residente ng mga lugar na isinailalim sa ECQ, kabilang na ang Metro Manila, bakunado man o hindi ay kuwalipikado na makakuha ng ayuda.
Sinabi pa niya na ang mga kuwalipikadong qualified recipients ng ECQ cash aid ay hindi na kailangan pa na magpakita ng kahit na anumang proof of vaccination.
“Wala pa tayong kahit anong pagbabawal na ini-impose sa mga taong wala pang bakuna. Ang hiningi lang natin na nandiyan na ang bakuna, magpabakuna ang lahat,” anito.
“Wala rin katotohanan na ire-require natin ang bakuna para sa ayuda. Lahat ng nangangailangan, mabibigyan ng ayuda, hindi kayo hahanapan ng proof of vaccination,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Gayunman, nilinaw ni Sec. Roque na ang mga indibidwal bakunado man o hindi ay pinagbabawalang lumabas ng bahay maliban na lamang kung kabilang sila sa tinatawag na authorized persons outside of residents (APORs) o kung sila ay bibili o kukuha ng essential goods gaya ng pagkain at gamot.
Aniya, ang mga taong naka-iskedyul na magpabakuna laban sa COVID-19 sa panahon ng ECQ period ay papayagan din na lumabas ng kanilang bahay.
“Ang general rule [habang ECQ] ay bawal lumabas. Ang exception ay ang mga nagtatrabaho dahil APOR sa mga industriyang bukas, mga frontliners at mga nagtatrabaho sa gobyerno,” ani Sec. Roque.
“Kung kayo ay APOR o magpapabakuna, pwede kayong lumabas,” aniya pa rin.
Nagbigay ng paglilinaw si Sec. Roque matapos na dumagsa sa iba’t ibang vaccination sites sa Metro Manila ang mga magpapabakuna, isang araw bago pa ipatupad ang hard lockdown o ECQ.
Sa Maynila, sinasabing may 19,000 indibidwal ang dumagsa sa vaccination sites para magpabakuna bago pa ang lockdown. Ang Metro Manila ay isasailalim sa ECQ mula Agosto 6-20. (CHRISTIAN DALE)
337 