Iminungkahing ipaubaya sa barangay BAKUNA GINAGAMIT NA SA PAMUMULITIKA

TILA nagagamit na sa pulitika ang bakuna, hindi lamang ng mga tumatarget sa national position kundi maging ang mga local official na may ambisyon sa 2022 elections.

Ito ang puna ni ACT party-list Rep. France Castro, na naniniwalang mas lalala ang paggamit sa bakuna para magpakitang gilas sa mamamayan ang mga politiko at maalala sila pagdating ng araw ng halalan.

“Nagagamit ang bakuna ng mga pumupustura sa 2022,” ani Castro kung saan idinagdag nito na “kahit sa pagdating ng bakuna sa airport ay kailangan pang salubungin ng mga pumupustura para sa election na government officials”.

Hindi na nagbanggit ng pangalan ng mga government official na malimit sinasalubong ang mga dumarating na bakuna sa airport, nagpapa-picture at nagpapainterbyu.

Naniniwala ang mambabatas na may ambisyon sa national position ang mga sumasalubong sa mga dumarating na bakuna kaya ginagawa nila ito upang lalo silang makilala ng mamamayan.

Hindi lang ang mga politikong nais tumakbo sa national position tulad ng Senado hanggang sa vice at presidential position ang gumagamit sa bakuna kundi maging ang mga local official.

“Yung mga local officials, ganon din naman,” ani Castro dahil kung oobserbahan umano ang mga ito ay kanya-kanyang gimik ang ginagawa ng mga ito sa pagbabakuna sa publiko.

Dahil dito, hinamon ni Castro ang mga politikong ito na ipaubaya na lamang sa mga barangay ang bakuna para hindi maakusahan na ginagamit nila ito sa kanilang political interest.

“Bakit hindi ibaba sa mga barangay ang bakuna para mas accessible sa tao, at di na pupunta sa mga vaccination site na mag-iipon ang mga tao. Gawin sanang regular na program na nasa barangay. Kung ang target ay mabakunahan lahat ng qualified na mga Filipino,” mungkahi ni Castro. (BERNARD TAGUINOD)

190

Related posts

Leave a Comment