IMMIGRATION OFFICER TALAMAK NA FIXER

ISANG babaeng immigration officer na nakatalaga sa tanggapan ng isang mataas na opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang umano’y talamak sa raket nila ng kanyang opisyal pagdating sa ­ilegal na paglalakad ng mga papeles ng mga dayuhang Chinese o mas kilala sa tawag na fixing.

Ayon sa ating source, ang immigration officer na si alias “Shyne” ang tagakuha umano ng opisyal nito ng mga kliyente mula sa mga Chinese handler na sina alias “Charlie” at isang “Heidi” na maraming kliyente pagdating sa mga pasaherong na-exclude sa airport at maging ng mga ilegal na Chinese workers sa bansa.

Minsan ding nangarap itong si alias “Shyne” na masungkit ang posisyon bilang Port Operations Division chief at ginamit pa ang tanggapan ng isang senador upang lumiham kay BI Commissioner Jaime Morente at DOJ Secretary Menardo Guevarra na ilagay siya sa puwesto at sa huli ay nabigo ito kagaya ni Macho Chiquito, dahil sa pinaniniwalaang pagsisimulan lamang ng korapsyon.

Tila walang kadala-dala itong mataas na opisyal na ito na kamakailan ay tinanggalan ng ilang kapangyarihan ni Morente dahil sa ilang reklamo ng korapsyon.

Matatandaang nadakip ng mga ahente ng NBI sa entrapment operation ang kanyang driver bodyguard sa isang coffee shop sa Intramuros Manila kamakailan makaraang utusan ito na kunin ang bribe money para sa isang dokumento na inilalakad sa tanggapan ng opisyal.

Nanganib noon na ma­sibak sa puwesto ang opisyal ngunit ito’y sinalo sa Palasyo ng isang makapangyarihang grupo.

Bakit sa kabila nito ay mayroon pa ring isang mataas na opisyal ang tala­mak na nakikipagsabwatan sa Chinese handlers? Hindi pa ba ito nadala nang masunog nito ang milyones na budget para sa Quota visa ng mga Chinese na hindi nito natapos?

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaari ninyo akong i-text sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

275

Related posts

Leave a Comment