KUNG ang pagbabatayan ay ang bilang ng mga bagong kaso ng mga tinamaan ng lintek na pesteng higit na kilala bilang COVID-19, mukhang malabong makamit ng gobyerno ang target nitong herd immunity bago matapos ang taon.
Paano ba naman kasi maaabot ang target kung marami sa Local Government Units (LGUs) ang dumadaing pero ‘di naman tinutugunan sa kabila pa nang paulit-ulit na pakiusap ng mga gobernador at alkalde para sa karagdagang bakuna.
Dangan naman kasi, napakakumplikado ang umiiral na proseso sa pagbili ng bakuna. Ang siste, hindi pinahihintulutan ng Malakanyang ang LGUs na bumili ng kanilang bakuna kahit pa may pambili naman sila. Lahat, kailangang dumaan sa isang political appointee ng Pangulo.
Ilan na nga ba ang tinamaan ng COVID-19 sa bansa? Lagpas na sa dalawang milyon at mabilis pang lumolobo sa bawat araw, batay na rin sa tala ng Department of Health (DOH). Ang nakakapagngitngit pa rito, kahit bakunado ay tinatamaan pa rin ng karamdamang dala ng virus na mula sa Wuhan, China.
Bakit nga ba ayaw pahintulutan ng Palasyo ang mga lalawigan, lungsod at mga munisipalidad na direktang umangkat ng bakuna? May itinatago ba ang Palasyo o sadyang nais lamang iparamdam ang poder sa mga LGUs lalo pa’t papalapit na ang susunod na halalan?
Tugon ng mga gobernador at alkalde, ramdam nilang gagamitin ang bakuna para pwersahin silang pumanig sa pambato ng administrasyon.
Parang hindi naman masyado. Katunayan, ang Lalawigan ng Rizal na pinamumunuan ng pamilyang kaalyado ng mga Duterte ay salat din sa suplay ng bakuna. Katunayan parang traffic light ang sistema ng pagbabakuna sa nasabing lalawigan – meron ngayon, bukas wala.
Pero teka, hindi ba’t malinaw na pwede naman bumili ng sariling bakuna ang LGUs sa ilalim ng isang tripartite agreement? Katunayan, may mga lalawigang iginiit ang kanilang karapatan sa ilalim ng Republic Act 11525 na nagbibigay laya sa LGUs na bumili ng bakuna sa ilalim ng isang tripartite agreement kung saan ang national government ang aangkat gamit ang pondo ng mga LGU.
Ang siste, hindi rin naman inaaksyunan, na tila ba nanadyang ilagay sa alanganin ang kalusugan ng mga mamamayan.
Dapat marahil rebisahin ng gobyerno ang kanilang proseso sa pag-angkat ng COVID-19 vaccines mula sa ibang bansa kung nais nitong mahagip ang target na herd immunity.
Kung pwede lang naman!
185 