PARA kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, bukod sa nagnenegosyo ng face shield sa bansa, panalo umano ang China sa ‘alis-bawi” ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paggamit nito.
“Mukhang panalo ang China importer ng plastic face shield, pinakamalaking importer at nagnenegosyo ng face shield dito sa Pilipinas,” ani Brosas, matapos bawiin ni Duterte ang kanyang unang pahayag na tanging sa ospital na lamang gagamitin ang face shield.
Pawang gawa aniya sa China ang face shield at malamang na nag-over supply ang nasabing bansa dahil tanging ang Pilipinas ang gumagamit nito sa buong mundo.
Unang sinabi ng mambabatas na negosyo ang isa sa pangunahing dahilan na nakikita nila kung bakit naging magulo ang polisiya ng gobyerno sa pagpapasuot ng face shield sa mga Filipino.
ANTI-POOR
Itinuturing ng militanteng grupo na “anti-poor” ang polisiya ng gobyernong Duterte na pagsuotin pa rin ng face shield ang mga Filipino sa ayaw at sa gusto ng mga ito, kahit walang siyentipikong basehan na nakatutulong ito sa pag-iwas sa COVID-19.
Ayon sa Anakpawis party-list, pinagagastos lang ng gobyernong Duterte ang mga tao sa mga bagay na tulad ng face shield.
“That mandatory face shield policy is anti-poor with actually little to no contribution in protecting an individual against the coronavirus disease,” ayon sa grupo ni dating Congressman Ariel Casilao.
Sinabi ng grupo na kahit nagkakahalaga lang ng P10 hanggang P20 ang face shield, gumagastos ang bawat tao ng P80 hanggang P180 kada buwan na malaking kabawasan umano sa budget ng isang ordinaryong manggagawa lalo na ang mga minimum wage earners.
“Katumbas na sana ng tatlo hanggang limang kilong bigas ang mabibili ng isang maralitang manggagawa sa halaga ng mga face shield na nagagamit niya sa loob ng isang buwan,” ayon sa grupo ni Casilao.
“Hindi praktikal at dagdag pabigat ang pananatili nito sa aming mga mahihirap na naghihingalo pa ang kabuhayan mula sa mga krisis na idinulot ng mahigit isang taon nang pandemya sa ating bansa,” dagdag pa ng grupo. (BERNARD TAGUINOD)
164 