SUMAKABILANG-BUHAY na ang pang-15 Presidente ng Pilipinas na si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa edad 61 dahil sa iba’t ibang karamdaman.
Bagama’t wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa pamilya habang isinusulat ito, marami na sa pamilya Aquino at mga dating kaalyado ni Noynoy ang namataan sa Capitol Medical Center ngayong umaga.
Base sa inisyal na ulat, isinugod si Noynoy sa ospital kaninang madaling-araw.
Kung matatandaan, madalas mapansin noon ng media ang sunud-sunod na pag-ubo ni dating Pangulong Noynoy kung saan nalathala pa ang maselang kalusugan nito dahil sa pagiging chain smoker.
Pinalitan siya sa puwesto ni Pangulong Rodrigo R. Duterte at nitong mga nakalipas na taon ay tinamaan ng iba’t ibang sakit si Noynoy. Sumailalim siya sa dialysis at operasyon sa kanyang puso.
Si Noynoy ang nag-iisang lalaki sa limang anak nina dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr. at dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino, na pareho na ring yumao.
Ang mga kapatid niyang puro babae ay sina Maria Elena (Ballsy), Aurora Corazon (Pinky), Victoria Elisa (Viel), at ang TV host-actress na si Kristina Bernadette (Kris).
Si Noynoy ang ika-15 Presidente ng Pilipinas.Nahalal siya noong 2010 at nanungkulan hanggang 2016. Pinalitan niya sa puwesto si dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.
Nanilbihan din siya bilang kongresista ng ikalawang distrito ng Tarlac, mula 1998 hanggang 2007. Naging Deputy Speaker siya mula 2004 hanggang 2006.
Nanatiling binata si Noynoy hanggang kanyang kamatayan. (JULIET PACOT)
280 