HINDI nakalusot sa mahigpit na pagbabantay ng mga kawani ng Bureau of Customs (BOC) sa Cebu ang isang segunda manong imprentang swak sanang gamitin para sa paglilimbag ng mga election campaign materials para sa nalalapit na 2022 general elections.
Sa pagrerebisa ng BOC, lumalabas na walang kaukulang Pre-Shipment Importation Clearance mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nasabing kargamentong mula pa sa bansang Japan.
Sa bisa ng warrant and seizure order na ipinalabas ni Port of Cebu acting district collector Charlito Martin Mendoza, agad na kinumpiska ang nasabing printing machinery makaraang beripikahin at mapag-alamang hindi rin rehistrado sa DENR-Environmental Management Bureau (EMB).
Kasama ang Environmental Protection and Compliance Division-Enforcement and Security Service (EPCD-ESS) at mga kinatawan mula sa mga tanggapan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Coast Guard (PCG) at Chamber of Customs Brokers, Inc.-Cebu Chapter, ininspeksyon ang kargamento kunsaan tumambad ang segunda manong imprenta.
Nahaharap na rin sa kasong paglabag ng Customs Modernization and Tariff Act at DENR-EMB Department Administration Order (DAO) No. 2013-22 ang importer na nakasaad sa dokumento.
Sa ilalim ng umiiral na panuntunan ng gobyerno, mayroong 30 araw na palugit ang importer ng anumang segunda manong inangkat pa mula sa ibang bansa para kumuha ng kaukulang importation permit at clearance mula sa DENR-EMB bago pa ito dalhin sa bansa.
Layon ng EMB na tiyaking walang peligrong dala sa kalikasan ang anumang second-hand na kargamento.
