Inireklamo sa kahalayan KAGAWAD SA TAGUIG SINUSPINDE

SINUSPINDE sa pwesto ang opisyal ng barangay na umano’y tauhan ng natalong kandidato sa Taguig dahil sa pagkakasangkot sa kahalayan.

Si Barangay Kagawad Apolonio Kibral Fulo Jr. ng Barangay Pinagsama, kilalang malapit na tauhan at bodyguard umano ni Pammy Zamora, natalong kandidato sa pagka-Kongresista ng District 2, ay sinuspinde ng anim (6) na buwan ng Sangguniang Panlungsod ng Taguig dahil sa reklamong grave misconduct, immoral acts, at gawaing labag sa tiwala ng publiko.

Batay sa Resolution No. 828, Series of 2025, na inaprubahan nitong Hunyo 30, 2025, epektibo agad ang suspensyon ni Fulo. Ito ay bunsod ng reklamo mula sa kapwa opisyal ng barangay at ipinasa ng Office of the Ombudsman sa Konseho para sa pormal na imbestigasyon.

Bago pa man ang anim na buwang parusa, si Fulo ay una nang isinailalim sa 60-araw na preventive suspension noong Pebrero 2025, alinsunod sa kautusan ni Mayor Lani Cayetano at sa pahintulot ng Comelec. Layunin nito na maiwasan ang posibleng pananakot sa mga testigo at mapanatili ang integridad ng imbestigasyon.

Nakapagsumite si Fulo ng kanyang sagot noong Oktubre 2024, at isinagawa ang preliminary conference nitong Hunyo 2025. Matapos ang pagsusuri sa ebidensya at pahayag ng parehong panig, ipinataw ang anim na buwang suspensyon at inirekomenda rin ang pagsasampa ng kaso bukod sa tuluyang pag-aalis sa puwesto at habambuhay na diskwalipikasyon sa gobyerno laban sa akusado.

Ang kaso ay nag-ugat sa isang insidente noong Abril 6, 2024 sa isang seminar sa Cebu City, kung saan inakusahan si Fulo ng kahalayan laban sa isang babaeng opisyal ng barangay.

Lumabas sa imbestigasyon na nagpadala pa ng mensahe si Fulo sa biktima matapos ang insidente at nag-alok umano ng pera para huwag na siyang kasuhan — patunay na lalo pang nagpabigat sa reklamo.

Bagama’t itinatanggi ni Fulo ang mga paratang, nakita ng Konseho ang sapat na ebidensya kabilang ang salaysay ng isang saksi na nagsabing umamin si Fulo sa ginawa at handang bayaran ang biktima upang manahimik.

Ito ang naging batayan ng Resolution No. 828 at ang implementasyon ng anim na buwang suspensyon, kasabay ng pag-usad ng hakbang para siya ay tuluyang tanggalin at hindi na muling makapagsilbi sa gobyerno.

(JESSE RUIZ)

53

Related posts

Leave a Comment