Patong-patong na kaso ang isinampa ng Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice (DOJ) laban sa dalawang kumpanya at kanilang mga customs brokers na nagpuslit ng sigarilyo at iba pang mga kalakal.
Ang mga sinampahan ng kaso ay ang JDR General Merchandise at ang Gingerbreadman Trading kasama ang kani-kanilang mga customs brokers.
Ang JDR General Merchandise at kanilang customs broker ay nag-import umano ng mga pekeng sigraliyo at iba pang kalakal. Subalit nagtangka silang palusutin ito sa BOC sa pamamagitan ng tinatawag na misdeclaration ng dalawang shipments sa Manila International Container Port (MICP). Tinatayang nagkakahalaga ang mga ito ng P50.540 million.
Ang Gingerbreadman Trading naman kasama ang kanilang customs broker ay nagpasok din sa bansa ng sari-saring kalakal pero iniwasan itong ideklara ng tama sa mga Customs authorities. Ang halaga ng kanilang kalakal ay umabot naman sa 1.319 milyong piso.
Ang dalawang nabanggit na mga kumpanya ay lumabag sa mga probisyong umiiral sa Customs Modernization and Tariff Act o CMTA gayundin sa Section 2 ng Customs Memorandum Order at sa Section 41 at 42 ng R.A. 10963 o mas kilala sa tawag na TRAIN Law. Bukod dito, nilabag din nila ang umiiral na batas patungkol sa National Tobacco Administration, Intellectual Property Code at Revised Penal Code.
Ang pagsasampa ng kasong ito ng BOC ay bilang pagpapatunay ng kanilang mahigpit at walang tigil na paglaban sa smuggling laban sa mga tiwaling negosyante na lumalabag sa lahat ng mga patakarang kanilang ipinatutupad.
(Joel O. Amongo)
