Joel Amongo
Bagamat nawalan sa loob ng isang buong araw na internet service ang Bureau of Customs (BOC) noong Disyembre 3, 2020 ay hindi masyadong naapektuhan ang kanilang operasyon sa panahon na iyon.
Ang BOC ay inabisuhan ng kanilang Internet Service Provider (ISP), Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) sa nasabing pagkawala ng kanilang internet service.
Agad naman naibalik sa normal ang kanilang internet service kinabukasan Disyembre 4, 2020, Biyernes.
Ang naging problema ay ang pagkaputol ng PLDT Primary fiber cable dahil sa concrete re-blocking na ginagawa sa harapan ng Manila City hall kung kayat nawala ang kanilang internet service kasama na pati lahat ng ahensiya ng gobyerno at kumpanya na matatagpuan sa bisinidad.
Pero kahit na nawalan ng internet connection sa loob ng isang araw ang BOC ay nakakulekta pa rin ng 1.6 bilyong pisong kita.
Nauna rito, ang BOC ay gumawa ng kanilang prayoridad para maihatid ang lubos at maaasahang IT infrastructure at ang pagkuha ng isang backup network noong nakaraang Agosto 25, 2020.
Ang proyekto sa kasalukuyan ay sumasailalim na sa paglalagay ng linya sa BOC Central Office sa Maynila na target mai-deliver ngayong Disyembre 2020.
Kaugnay nito, ipinaalam naman ng BOC sa publiko na sa panahon ng pagkawala ng network service ay ang BOC ports sa Customs Processing System (E2M) lamang ang naapektuhan.
Ang BOC online system ganun din ang Customer Care Portal system, Entry Submission/Value Added Service Providers (VASP), Payment System and Release system ay hindi rin naapektuhan.
Lahat ng customs transactions ay prinoseso electronically at walang manual na prosesong ginawa.
Bilang pangunahing armas ng bansa na may kinalaman sa paggalaw ng essential at non-essential commodities, muling pinuri ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang kaniyang mga tauhan dahil hindi sila nagpagambala sa anomang sagabal at nagawa pa rin ang kanilang mandato para sa publiko.
