MODERNISASYON NG BOC, SUPORTADO NG UN-ESCAP

Ni JOEL O. AMONGO

KAPWA kinatigan ng United Nations Economic and Social Commission for Asia at Bureau of Customs BOC) ang isahang pagkilos ng mga miyembrong bansa sa pagpapatupad ng National Window System (NSW) na nagbibigay proteksyon laban sa mga sindikato sa likod ng pagpupuslit ng mga kontrabando.

Sa ginanap na Summit 2022 na may temang “Towards the Next Generation of the Philippine National Single Window,” sinuportahan din ng UN-ESCAP ang isinusulong na mo­dernisasyon ng BOC at iba pang ahensyang mandato’y palakasin ang ekonomiya ng bansa ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) nitong nakaraang Hulyo.

Ayon sa pahayag ni Director Rupa Chanda ng Trade, Investment and Innovation Division ng UN-ESCAP, higit na angkop na bigyang prayoridad ng administrasyong Marcos ang mga teknolohiyang kalakip ng makabagong panahon para sa mas mabilis na pagbangon mula sa pagkalugmok na dulot ng pandemya.

“As we recover and rebuild, digital technology will be more prominent and important than ever” ani Chanda kasabay ng paglalahad ng sipi ng suporta na mula kay UN Secretary General Antonio Guterres.

Para kay Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, bagama’t pumalo na sa 92% ang antas ng digitalization ng kawanihan, mas magiging epektibo ang programa ng BOC sa ilalim ng kolektibong pagkilos ng mga bansang nagpapalitan ng kalakal.

Bukod kina Ruiz at Chanda, kabilang din sa mga lumahok sa naturang summit sina Tengfei Wang at Dennis Pantastico ng UN- ESCAP, acting Customs Deputy Commissioner Kriden Balgomera ng BOC- MISTG, Flordeliza Leong ng Philippine Exporters Confederation at mga kinatawan ng NSW Steering Committee (NSW-SC) at NSW Technical Working Group (NSW-TWG). Suportado rin ng mga kinatawan mula sa mga bansang South Korea, Australia, Indonesia, Malaysia, Singapore at Thailand ang mga tampok na meka­nismo sa ilalim ng NSW kabilang ang trade facilitation, onboarding methodologies, cross-border e-commerce, paperless trade, application of innovative application of emerging technologies, legal frameworks to support data quality, data protection, data privacy, governance, ownership, at iba pa.

79

Related posts

Leave a Comment