(Ni JOEL O. AMONGO)
AABOT ng P7.4 milyong halaga ng pekeng sigarilyo ang nasabat ng Bureau of Customs Port of Tacloban mula sa dalawang Chinese national sa Brgy. Nula-Tula ng nasabing siyudad noong Disyembre 8.
Ang mga sigarilyong may kabuuang 369 kahon na may tatak na Mighty Cigarettes ay nasabat sa bayan ng San Miguel sa lalawigan ng Leyte at lulan ng sasakyang minamaneho ng isang Filipino driver.
Dumaan umano ang minamanehong sasakyan ni Jorge Poraza Mantoa, 24-anyos, may-asawa, nakatira sa Brgy. Utap, Tacloban City, sa isang checkpoint sa nasabing lugar at nang masitang walang driver’s license ay natuklasan ang kargang mga sigarilyo ng kanyang sasakyan.
Kinilala naman ang dalawang Chinese national na sina Lee Tsai Fah, 47-anyos, may asawa, residente ng Brgy. Nula-Tula, Tacloban City at Arvin Sy, 24-anyos, may asawa, residente ng Brgy. Buntay, Tanauan, Leyte.
Nasabat ang nasabing kargamento sa tulong ng lokal na pamahalaan ng San Miguel, Leyte; San Miguel Police Station, Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs Port of Tacloban at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kasabay nito, may nagbigay ng impormasyon kay San Miguel Mayor Norman Sabdao sa kinaroroonan ng bodega at container van na naglalaman ng mas maraming mga pekeng sigarilyo sa Sitio Ugpong, Brgy. Santol ng naturang bayan.
Kaugnay nito ay ipinagbigay-alam ni Mayor Sabdao sa mga awtoridad, kasama ng San Miguel Police Station, kung saan nadiskubre ang mga kontrabando.
Wala umanong naipakitang dokumento ang dalawang Chinese national na magpapatunay na legal ang kanilang mga sigarilyo kung kaya’t kinumpiska ito ng mga awtoridad.
Ayon naman sa caretaker ng lupa na si Nicomedes Macayan Barbado, sinabi umano ng dalawang Chinese national na naghahanap ang mga ito ng lupang uupahan para lagyan ng mga kambing ngunit kalaunan ay nilagyan ng bodega kung saan natagpuan ang mga pekeng sigarilyo.
182