(Ni Joel O. Amongo)
Muli na namang nakasabat ng aabot sa pitong milyong pisong halaga ng smuggled yosi ang pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Enforcement Security Service (BOC-ESS), Philippine Navy (PN) at Philippine National Police (PNP) sa karagatan ng Zamboanga City kamakailan.
Ayon sa report, noong Hunyo 25, dakong alas-11:00 ng gabi nakatanggap ng confidential information sa pamamagitan ng text message mula sa isang concerned citizen na nagsasabing may “jungkung” o lantsa na may pangalang MB AZEEZ mula sa Panguturan, Sulu na puno ng smuggled sigarilyo na nasa karagatan ng Sta. Cruz Island, Zamboanga City.
Dahil dito, agad nakipag-ugnayan ang BOC-ESS sa Naval Intelligence and Security Group-Western Mindanao (NISG-WM) at Naval Special Operations Unit 06 upang alamin at hulihin ang mga sangkot.
Dakong ala-1:15 noong Hunyo 26, ang mga elemento ng Naval Special Operations Unit 06 sa pamumuno ni Ensign Daogas Daodaoen, PN, na nakabase sa Romulo Espaldon Naval Station ay nagpapatrulya sa nasabing lugar.
Bandang alas-3:15 ng madaling-araw noong Hunyo 26 nang masabat ng grupo ang MB AZEEZ na may kargang mahigit kumulang 244 cartoons ng smuggled “Bravo Cigarettes.”
Matapos na masabat ang nasabing mga sigarilyo ay sinamahan ng mga operatiba ang lantsa na dumaong sa ENS Majini Pier, Romulo Espaldon Naval Station, Zamboanga City para sa kaukulang dokumentasyon at pansamantalang pangangalaga.
Dakong alas-10:30 ng umaga noong Hunyo 26, 2019 ang mga elemento ng NAVSOU 06-NISG-WM ay sinamahan ang lantsang MB AZEEZ na may kargang kumpiskadong smuggled cigarettes para sa formal turnover sa District Collector ng Bureau of Customs, Port of Zamboanga.
Bandang alas-3:30 ng hapon ng nasabi ring petsa ay natapos ang isinagawang inventory at maging ang tamang inspeksyon at pagbibilang ng mga nasabing sigarilyo ay lumitaw na aabot ng 244 cartoons/cases base na may katumbas na halagang aabot ng pitong milyong piso.
Ang pagkakasabat ng milyun-milyong pisong halaga ng smuggled sigarilyo ay bilang resulta na rin sa pagtutulungan ng pinagsanib na grupo ng mga awtoridad mula sa NAVSOU 06-NISG-WM, BOC-ESS at ni Special PLt Ernesto Pracale, Jr., District Commander, Port of Zamboanga.
115