Itinutulak sa Kongreso na gawing all-around card BEEP CARDS IBIGAY NANG LIBRE- DUTERTE

“GIVE the card free.”

‘Yan ang utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga ahensiya ng pamahalaan kaugnay ng pagpapairal ng cashless payment systems sa pampublikong transportasyon.

Sa public address ni Pangulong Dutere, Lunes ng gabi ay sinabi nito na gawing free of charge o libre ang beep cards sa mga mananakay.

Nilinaw naman ng Pangulo na tanging ang card na ipamamahagi ang free of charge dahil babayaran ng mga mananakay ang pamasahe.

Tutol din umano si Pangulong Duterte sa paniningil para magkaroon ng Beep cards na pamalit sa pagbabayad ng pamasahe sa pagsakay sa mga bus sa EDSA Busway.

Inihayag ito ni presidential spokesperson Harry Roque matapos iutos ni Department of Transportation (DOTr) na suspendihin ang sapilitang paggamit ng Beep cards simula noong Lunes matapos tumanggi ang kumpanyang nag-o-operate ng automatic fare collection system na ibigay ang mga card nang libre sa mga pasahero.

Nitong Linggo, sinabi ng DOTr na maaari na muling magbayad ng “cash” na pamasahe ang mga pasahero na sasakay ng bus sa EDSA.

“Itong pagsuspinde ng gamit ng Beep card altogether ay patunay na nakikinig ang gobyerno sa taumbayan at may puso itong administrasyon na ito,” sabi ni Roque.

Una rito, ipinatupad ng DOTr ang “no beep card, no ride” policy sa mga bus para mawala ang “contact” ng pasahero at driver (o konduktor) para maiwasan ang hawahan ng COVID-19.

Pero nasorpresa ang maraming pasahero nang malaman na kailangan nilang maglabas ng P180 para magkaroon ng Beep card na halagang P80, at paunang load na P100.

Iginiit ng DOTr na dapat ilibre na ng operator na AF Payments Inc. (AFPI) ang Beep cards.

Gayunman, iginiit ng kompanya na wala silang kinikita sa presyo ng card at direkta itong napupunta sa gumagawa.

‘Garapal sa kita’

Kaugnay nito, binira ng pinakamalaking alyansa ng mga samahan at unyon ng mga manggagawa sa bansa ang bagong negosyong beep card ng kumpanyang pag-aari ni Manny V. Pangilinan at ng mga Ayala.

Sabi ni Atty. Jose Sonny Matula, tagapangulo ng NAGKAISA Labor Coalition, “masyadong mataas ‘yong [presyo ng beep] card. Mataas pa sa load.”

Mahigit 40 pederasyon at unyon ng mga manggagawa ang kasapi ng NAGKAISA, kabilang ang Federation of Free Workers (FFW) kung saan pangulo si Matula.

Ang AFPI na kumpanyang pag-aari ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) at Ayala Corporation (AC) ang siyang may hawak at kontrol sa AFCS sa EDSA.

“Masyadong garapal ang pagnanasang tumubo [ng AFPI],” bigwas ni Matula.

“Sa unang araw ng implementasyon ng automatic fare collecting system (ACFS), nagrereklamo po ang mga manggagawa at comuters na ‘yong fare cards na ibinebenta sa bus stations [sa EDSA] at sa mataas na halagang P80 para sa beep card at P80 [uli] para sa load,” patuloy ni Matula.

Ang pagnenegosyong ganito ng AFPI ay “walang kakunsi-konsensya sa mga naghihirap na mamamayan. Naghihirap na nga [ang mamamayan], pinahihirapan at pinagsasamantalahan pa,” birada ni Matula.

Umaasa si Matula na “hindi matulog ang gobyerno rito at huwag hayaan na lamang samantalahin ang mga comuter,” wika pa ng beteranong lider-manggagawa.

One card for all transactions

Samantala, hindi lamang sa pagbabayad ng pasahe dapat gamitin ang kontrobersyal na beep card kundi sa lahat ng transaksyon tulad ng Octopus card ng Hong Kong.

Ito naman ang mungkahi ni House assistant majority leader Nina Taduran kung saan sinuportahan nito ang panukala ni Pangulong Duterte na ibigay nang libre ang beep card.

Bilang dagdag na tulong, sinabi ni Taduran na makabubuti ring gawin nang all-around card ang Beep card at hindi lang para sa pampublikong transportasyon. Maaari rin aniyang ikabit na rito ang pagbabayad sa mga grocery, gamot at sa fast food.

“Gawin nang parang debit card ang Beep card. Lahat ng kadalasang transaction ng mga tao ay ipadaan na sa card na ito lalo na kung gagawing libre ng pamahalaan,” ani Taduran.

Nais ng mambabatas na itulad ang Beep card sa Octopus card ng Hong Kong na ginagamit sa lahat ng public buses, ferries, train at taxi bukod sa nagagamit din ito para sa pagbili sa convenience stores, fast foods at pambayad sa parking.

Naging kontrobersiyal ang Beep card makaraang biglang itaas ang presyo nito ng mga pribadong kumpanyang nagbebenta nito nang sabihin ng DOTr na hindi makasasakay sa EDSA Busway system ang mga walang Beep card. (CHRISTIAN DALE/NELSON S. BADILLA/BERNARD TAGUINOD)

102

Related posts

Leave a Comment