IMINUNGKAHI ng Department of Health (DOH) na maging National Public Health Emergency ang problema sa HIV o human immunodeficiency virus sa bansa.
Bunsod ito ng pagsirit ng kaso ng HIV na tumaas ng 500% at ang Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng bagong kaso ng sakit sa Western Pacific Region.
Sa datos ng DOH, nasa 57 na ang kumpirmadong kaso ng HIV kada araw mula Enero hanggang Marso ngayong taon.
Payo ng DOH sa publiko, magpa-HIV test dahil libre ito at confidential.
Pinapayo rin nila ang paggamit ng condom, lubricants at PrEP o pre-exposure prophylaxis, na medikasyon o gamutan na nakatutulong sa pagpigil sa HIV infection.
Gayundin ang pagkonsulta at pag-inom ng antiretroviral therapy para sa mga nangangailangan nito.
Samantala, edad 25-34 ang nangunguna sa mga tinatamaan ng HIV sa bansa.
Ayon kay DOH Spokesman Asec. Albert Domingo, kumpara noong 2002-2005, mas marami ang nagka-HIV na nasa edad 35-49.
Sinabi ni Dr. Domingo na sa nakalipas na isang dekada ay mahigit doble na ang kaso sa bansa.
Mula sa 21 kaso kada araw noong 2014, umabot na ito sa 48 noong 2024 na tumaas pa sa 56 bawat araw mula Enero hanggang Abril ngayong taon.
Sexual contact pa rin ang pangunahing dahilan sa pagkalat ng sakit.
Mula aniya 2007, ang pangunahing sanhi ng transmission o pagkakasakit ay mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki.
(JULIET PACOT)
