MGA BAKLAS PLAKA NADISKUBRE SA JUNK SHOP SA TONDO

DALAWANG kabataan ang dinampot ng mga awtoridad habang isa ang kinasuhan ng anti-fencing law dahil sa nadiskubreng ‘baklas-plaka’ sa isang junk shop sa Tondo, Maynila nitong Lunes ng madaling araw.

Hindi na pinangalanan ang dalawa dahil kapwa menor-de-edad ang mga ito habang ang isang alyas ‘Arlou’, 31-anyos, binata, stay in sa nabanggit na junk shop, ang kinasuhan dahil sa paglabag sa Presidential Decree 1612, o ang anti-fencing law.

Batay sa ulat ni Chief Master Sergeant Gener De Guzman kay Lieutenant Merbarjin Alihuddin, hepe ng Tayuman Police Community Precinct na sakop ng Jose Abad Santos Station 7 ng Manila Police District (MPD), bandang alas-4:30 ng madaling araw nang mamataang binabaklas ng mga binatilyo ang plaka sa isang bakanteng lote sa parking lot area sa New Antipolo Street sa Barangay 217 Zone 20 ng Tondo.

Nauna rito, dalawang indibidwal ang namataang nagbabaklas ng plaka ng sasakyan. Mula sa kuha ng CCTV sa lugar, dalawang mga naka-park na sasakyan ang naaktuhang binabaklas ang plaka.

Dahil dito at sa pakikipag tulungan ng ilang residente sa naturang lugar, nagsagawa ng follow-up operation ang PCP kaya natimbog ang helper ng junk shop hanggang sa makita ang mga ninakaw na plaka.

Tinatayang aabot sa halagang P8,000 ang mga nakumpiskang baklas-plaka.

Ang dalawang menor de edad ay dinala sa Manila Social Welfare and Development Office (MSWDO) habang ang helper naman ng junk shop ay ipinirisinta sa inquest proceedings sa Manila City Prosecutor’s Office.

(RENE CRISOSTOMO)

38

Related posts

Leave a Comment