MAAARI nang magdeploy ng kanilang pwersa sa Pilipinas ang Japan sa ilalim ng Japan-Philippines Reciprocal Access Agreement (RAA) na tinalakay ng mga defense at foreign affairs ministers ng dalawang bansa kahapon, July 8.
Ito ang pinangangambahan ni dating representative Antonio Tinio, spokesperson ng P1NAS na posibleng magpalala pa sa sitwasyon at kakaladkad sa Pilipinas sa isang giyera laban sa kanilang parehong kaaway na China.
“This agreement would permit Japanese military forces to be stationed in the Philippines for the first time since World War II,” ani Tinio bukod sa bahagi aniya ito ng “US-led military build-up” sa rehiyon na posibleng ugat ng pagsiklab ng giyera.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na inaagaw din ng China ang teritoryo ng Japan sa East China Sea habang sa patuloy na sinasakop naman ng nasabing bansa ang teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea.
Kapwa ding kaalyado ng United States (US) ang Pilipinas at Japan na karibal naman ang China, hindi lamang sa ekonomiya kundi sa military power kaya kinakabahan si Tinio sa bagong military agreement na pinasok ng Marcos administration.
Masama rin ang loob ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas dahil mistulang kinalimutan ng Marcos administration ang mga atraso ng Japan sa mga Pilipino noong panahon ng World War II.
“We must not forget the historical context of this agreement. Japan has yet to fully atone for its wartime atrocities, particularly the systematic abuse of comfort women. Kaya hindi makatarungan na papapasukin muli ng gobyernong ang mga sundalong hapon na para bang walang dumanak na dugo nang sumalakay sila dito noon,” ani Brosas.
Hindi aniya kontento ang Marcos na ipagpatuloy ang presensya ng American forces sa Pilipinas ay dinagdagan pa nito ng military agreement sa Japan kaya lalong nalalagay umano sa panganib ang kapayapaan ng bansa.
“The Marcos Jr. administration must pursue an independent foreign policy that promotes peace and national sovereignty instead of setting up a war playground for foreign troops in our own land,” giit pa ng lady solon. (BERNARD TAGUINOD)
