DILG NAG-ALOK NG P10-M SA ULO NI QUIBOLOY

INIHAYAG kahapon ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na may mga kaibigan at tagasuporta ng Philippine National Police ang nag-alok ng P10 milyong pabuya sa sinumang makakapagturo tungo sa ikadarakip ng puganteng lider ng Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy.

Sa ginanap na pulong balitaan kahapon sa Camp Crame, inanunsyo ni Abalos ang pabuya kapalit sa impormasyong magreresulta sa pag-aresto kay Pastor Apollo Quiboloy.

Bukod dito, may alok din na reward na P1 milyon sa impormasyon na makatutulong sa pagtunton sa iba pang mga kapwa akusado sa kaso na may kaugnayan sa human trafficking at child abuse na kinilalang sina Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada, Sylvia Camanes, and Jackielyn Roy.

Samantala, pinag-aaralan naman ng Philippine National Police kung posibleng masampahan ng kaso si dating pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil sa pagtulong o pagtangging ituro ang kinaroroonan ni Quiboloy.

Sinabi rin ni Abalos na pinag-aaralan nila kung may pananagutan si Duterte kaugnay sa paglabag sa Presidential Decree 1829.

Possible umanong nilabag ni Duterte ang prinsipyo ng obstruction of justice, coddling, harbouring or concealing fugitives dahil sa pagtanggi nitong ipaalam ang kinaroroonan ng puganteng KOJC leader.

Magugunitang kamakailan ay nagpahayag si Duterte na alam nito ang pinagtataguan ni Quiboloy ngunit ‘secret’ lamang umano niya.

“Obstruction of justice po ‘yan. And we’re checking po if we can file against these people,” pahayag din PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil.

“Hindi po tayo pwedeng magkanlong ng pugante,” ayon pa kay Marbil. (JESSE KABEL RUIZ)

233

Related posts

Leave a Comment