MVP, KAISA NG DOTR SA REHABILITASYON NG NAIA

SA GANANG AKIN

ANG pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga miyembro ng pribadong sektor ay isa sa mga susi ng pag-unlad ng isang bansa. Ang pagkakaisa sa pagitan ng mga sektor ay nangangahulugan na magkakasundo ang adhikain ng mga ito kaya’t mas napapabilis ang pagpapatupad ng mga istratehiya at pagkamit sa mga layunin ng bansa.

Sa kasalukuyan, ang pangunahing layunin ng bansa ay ang muling makabangon mula sa epekto ng pandemyang COVID-19 at isa sa mga pangunahing estratehiya nito ang pag-ibayuhin ang turismo. Subalit ito ay hindi lamang sa Department of Tourism nakasalalay. Mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng Department of Transportation (DOTr) sa pagsiguro na magiging kaaya-aya ang karanasan ng bawat turista sa bansa, Pilipino man o banyaga.

Kaya naman ganoon na lamang ang pagkadismaya ng mamamayan at maging ng mga mambabatas sa muling pagkakaroon ng aberya sa operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong unang araw ng Mayo. Nasa 48 na biyahe ang kinansela at humigit kumulang 9,000 na pasahero ang naapektuhan. Makailang ulit na itong nangyari kaya’t hindi kataka-takang inulan ng batikos ang ahensya at ang Manila International Airport Authority (MIAA).

Dahil isyung elektrikal ang tinukoy na dahilan ng paghinto ng operasyon ng NAIA, agad namang rumesponde ang Meralco upang tingnan ang naging sanhi ng problema. Bagama’t walang nakitang isyu sa linya ng Meralco, minabuti pa rin ng mga crew na manatili sa paliparan upang tulungan ang mga mga electrician at mga engineer ng MIAA.

Batid ang pangangailangan ng agarang aksyon, ipinahayag ng negosyante at pilantropong si Manuel V. Pangilinan (MVP) na tutulong ito sa rehabilitasyon ng naturang paliparan. Nakipag-ugnayan siya kay DOTr Secretary Jaime Bautista at kusang loob inalok ang pagsasagawa ng electrical audit sa NAIA Terminal 3. Libre at walang babayaran ang MIAA rito. Nagalak naman si Sec. Bautista at ibinahagi ang magandang balita sa publiko.

Tiyak na magiging malaking tulong ang electrical audit dahil sa pamamagitan nito, matutukoy ang mga problema ng pasilidad at mga bahagi nito na kinakailangan nang palitan at ayusin. Mahalaga ang mga datos na makukuha mula sa audit para makapaglatag ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at MIAA ng mga angkop at pang-matagalang solusyon sa problema.

Para sa ganito katinding problema kung saan nakasalalay rin ang reputasyon ng Pilipinas, hindi sapat ang “band-aid solution” dahil ang muling pag-ulit ng aberyang ito ay tiyak na magkakaroon ng negatibong epekto sa turismo.

Sa puntong ito ng sitwasyon, sa halip na magsisihan, dapat ituon na lamang ang atensyon sa paghanap ng permanenteng solusyon. Tunay na nakabibilib ang ipinangakong tulong ni MVP. Ito ay patunay na siya, sampu ng kanyang mga kompanya, ay kaisa ng pamahalaan sa pagpapabuti ng lipunan. Ito ay isa nanamang magandang halimbawa ng mabuting bunga ng pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sektor.

665

Related posts

Leave a Comment