KABAGALAN NG DOH, PINUNA NG SENADOR

Senador Sherwin Gatchalian

DISMAYADO si Senador Win Gatchalian sa kabagalan ng testing capacity ng Department of Health (DOH) sa COVID 19.

Ito ay makaraang matuklasan ng senador na wala pang bagong pagamutan na nabibigyan ng akreditasyon ng DOH para magsilbing testing centers kahit may mga bagong suplay
ng testing kits na dumating sa bansa mula sa South Korea at China para sa commercial use.

Binigyang-diin ng senador na kahit matambak ang testing kits ay hindi rin agarang magagamit ang mga ito kung wala namang karagdagang pagamutan na magiging testing
centers.

Kaugnay nito, pinamamadali na ni Gatchalian sa DOH ang akreditasyon sa mga pagamutan upang mas maraming tao ang mailigtas sa kapahamakan.

“Papaano natin mabibigyan ng agarang tulong medikal ang mga taong nanganganib ang kalusugan dahil sa COVID-19 at mapigilan ang mabilis na pagkalat nito kung hanggang
ngayon ay hindi pa pinahihintulutan ng DOH ang mga ospital na gamitin ang mga bagong testing kits,”  saad ni Gatchalian.

Sa ngayon, pinapayagan lamang ang testing process sa San Lazaro Hospital, Baguio General Hospital and Medical Center, Vicente Sotto Memorial Medical Center at
Southern Philippines Medical Center.

Plano ring gawing testing laboratories ang St. Luke’s Medical Center-Global City, Makati Medical Center, The Medical City, St. Luke’s Medical Center-Quezon City, at Chinese General Hospital. DANG SAMSON-GARCIA

168

Related posts

Leave a Comment