DPA ni BERNARD TAGUINOD
KUNG may isang pinakapangarap ng mga Pinoy ay ang paglaya sa corrupt officials na tila walang kabusugan sa kapangyarihan at kayamanan dahil hindi tumitigil sa pagtakbo sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno hangga’t hindi namamatay.
Taon-taon ay ipinagdiriwang natin ang araw ng Kalayaan matapos makalaya ang bansa sa mahigit tatlong siglong pamumuno ng Espanya at ang okasyong ito ay sumisimbolo ng katapangan, katatagan at pagkakaisa ng mga Lahing Kayumanggi.
Nakalaya rin ang Pilipinas sa mga Amerikano at Hapon na nanakop sa Pilipinas kaya naipagmamalaki natin sa buong mundo na tayo ay lubusang malaya pero ang kalayaan sa kahirapan ay nananatiling pangarap pa.
Sa nakaraang 126 taong kalayaan ng Pilipinas matapos mapalayas ang mga Kastila noong 1898, hindi pa nakalalaya sa kahirapan ang mga Filipino gayung mas nauna tayong lumaya sa South Korea at Taiwan.
Ang South Korea ay nakamit ang kalayaan noong Agosto 15, 1945 habang ang Taiwan ay nakalaya sa komunistang China noong 1949 matapos silang matalo sa civil war laban sa grupo ni Mao Zedong.
Pero agad-agad silang nakabangon at kasama na sila ngayon sa pinakamayamang bansa sa mundo habang ang Pilipinas na lumaya sa Kastila noong 1898; 1946 sa Amerika at 1945 sa mga Hapon, ay third world country pa rin tayo.
Naniniwala ako na kung hindi corrupt ang nagdaang mga lider ng bansa ay malamang matagal nang nakabangon sa kahirapan ang mga Pilipino pero dahil inuna nila ang kanilang sarili at nagnakaw lang sila, ay walang nangyari.
Ang masaklap hanggang ngayon ay marami pa ring corrupt officials na tila walang kabusugan dahil hangga’t hindi sila namamatay ay hindi sila nagpapahinga sa pulitika kahit wala naman talaga silang naiambag na maganda sa bansa.
Pero ang pinakamasaklap, bago namatay ang corrupt officials ay meron silang mga anak, asawa at kapatid na pumalit sa kanila at dahil pare-pareho ang dugong nananalaytay sa kanilang mga ugat, hindi nawawala ang korupsyon sa Pilipinas.
Matagal nang gustong makalaya ng mga Filipino sa lahi ng mga corrupt pero dahil sa kahirapan at kamangmangan ay hindi nakakamit ng bansang ito ang kalayaan sa kanila.
Malaki rin naman ang kasalanan ng mga tao kung bakit nananatili sa kapangyarihan ang corrupt officials, hindi lang sa national kundi sa local, dahil hindi nila iniisip ang kinabukasan ng kanilang mga anak sa tuwing pumupunta sila sa presinto para bumoto.
Hangga’t marami ang nagbebenta ng boto tuwing eleksyon ay hindi makakamit ang kalayaan sa mga corrupt na politiko at lalong hindi tayo makalalaya sa kahirapan dahil uunahin ng mga ‘yan ang kanilang sarili kaysa bansa at taumbayan.
Mananatiling pulubi ang karamihan sa atin na nag-aabang lang ng ayuda sa mga politiko na kung umasta ay parang sa kanila galing ang perang ipinamimigay gayung inutang lang ito ng gobyerno na babayaran ng kanilang mga anak pagdating ng panahon.
