MAGKAIBANG TAO, MAGKAIBA NG PINAGKAKAINTERESAN

GEN Z TALKS Ni Lea Bajasan

HUMINGI ng paumanhin ang ALAS Pilipinas player na si Cherry Ann “Sisi” Rondina matapos makatanggap ng backlash mula sa fans ang kanyang komento tungkol sa P-pop Boy group na SB19.

Ang Philippine Women’s National Volleyball team o Alas Pilipinas at SB19 ay ilan lamang sa naimbitahan para lumahok sa naganap na Pistang Pinoy event sa South Korea kamakailan kung saan sinabi niyang hindi siya pamilyar sa P-Pop group at Starbucks lang ang alam niya, noong tinanong siya ukol sa kung aling performance ang excited siyang panoorin. Kaya nagsagawa siya ng isang live sa Instagram upang ipaliwanag ang kanyang komento. Sinabi niyang personally hindi niya raw kilala ang SB19. Kaya ang dami raw sigurong na-offend kaya humingi na lamang siya ng pasensya.

Sa totoo lang, kung hindi dahil sa isang account na iyon sa X na nagbunyi na nag-dm siya kay Sisi ng isang ‘hard’ na mensahe, hindi na sana ito lalaki nang ganito. May isa pang nagsabi na mukha raw sarcastic iyong pag-sorry kahit hindi naman. Tinawag pa si Rondina na ‘ate athlete’ kahit na humingi na ng pasensya sa kanya iyong tao. Tingnan mo, nag-message siya kasi nasaktan daw siya na tinawag ang SB19 na ‘starbucks’ ngunit siya pa itong hindi rin pala kilala iyong tao. Tapos nung binalikan siya ng volleyball fans para maglabas ng paliwanag at humingi ng patawad kay Sisi, hindi siya mahagilap.

Walang pinalampas na pagkakataon ang mga tagahanga ng SB19 na turuan si Sisi ng maayos tungkol sa grupo. Sa halip, nagresulta agad sila doon. Hirap kasi sa ibang mga fans, hindi nila matanggap na may mga taong hindi kilala ang kanilang iniidolo. Hindi nila nauunawaan na iba-iba tayo ng hilig. Kaya may mga pagkakataon na ang sikat para sa iyo ay hindi kilala ng ibang tao.

Hindi makatotohanang asahan na alam ng lahat ang bawat sikat na grupo o personalidad.

Bagama’t ang SB19 ay may nakalaang fan base at mga kapansin-pansing tagumpay, hindi patas ang pagtawag sa isang tao dahil lang hindi niya alam. Iba-iba ang interes. At nakatuon ang mga tao sa iba’t ibang aspeto ng balita at entertainment. Maraming may hindi alam o walang pakialam sa kung ano ang nagte-trend. Walang sinoman ang may tungkuling malaman ang kultura ng pop.

Kung alam mo, e ‘di maganda para sa iyo. Ngunit hindi mo maaaring asahan na ang iba ay nagmamalasakit sa mga bagay na hindi sila interesado.

Ang masasabi ko lang ay dapat igalang at tanggapin na hindi lahat kilala ang bawat tao sa iba’t ibang larangan. Merong fan ng volleyball kaya kilala mga players ngunit hindi kilala ang SB19 at merong fan ng SB19 ngunit hindi naman fan ng volleyball. Lahat ay hindi pare-pareho at may iba’t ibang kakayahan sa pag-iisip. Hindi maaaring pareho ang lahat. Kaya ang pagkakaiba ng opinyon ay tiyak na umiiral.

146

Related posts

Leave a Comment